^

Punto Mo

‘Pinas pinilahan ng apat na bagyo?

(AGHAM AT TEKNOLOHIYA) PANDAYAN - Ramon M. Bernardo - Pang-masa

“OVERLAPPING”. ‘Yan ang ginamit na salita ng National Aeronautics and Space Administration (NASA) nang ilarawan ang mga ulat kamakailan ang mga bagyong pumasok o pumapasok  sa Pilipinas ngayong Nobyembre. Ibig sabihin, nagsasapawan o nagkakapatung-patong ang mga bagyo.

Gayunman, pinuna ng NASA na kakaiba ang magkakasunod na mga bagyong humagupit sa Pilipinas ngayong buwan. Ibinahagi ng ahensiya ang isang satellite image na nagpapakita sa mga bagyong Marce, Nika, Ofel at Pepito na nakapila sa karagatan ng western Pacific noong Nobyembre 11. Nang panahong ito, ang mga bagyo ay maaaring papalapit sa Pilipinas o nakadaan na sa Luzon.

Sinabi ng NASA na kakaibang makita na apat na bagyo ang sabay-sabay na naghahalo sa Western Pacific Ocean ngayong Nobyembre. “Iniulat ng Japan Meteorological Agency na ito ang unang naitalang pagkakataon mula noong 1951 na maraming bagyo ang sabay-sabay na nagsusulputan sa Pacific Basin sa Nobyembre,” dagdag pa ng ahensiya.

Karaniwan anilang kapag Nobyembre ay merong tatlong bagyo na ang isa ay nagiging supertyphoon batay sa 1991-2000 average. Mula kay Kristine hanggang kay Pepito, apat na bagyo ang magkakasunod na humataw sa Pilipinas. Hinagupit ng Marce ang hilagang Luzon noong Nobyembre 7.

Pagkaraan ng apat na araw, bumanat si Nika sa Aurora, nagdulot ng mga pagbaha at pagkaputol ng kuryente at mga landslide na tumabon sa mga kalsada sa Cordillera.

Noong Huwebes, pumasok si Ofel sa Pilipinas na hindi pa nakakabangon sa pinsalang dulot ng naunang mga bagyo. Samantala, si Pepito ay nag-iibayo ang lakas at inasahang magiging supertyphoon noong Sabado at magsisimulang manalasa sa Bicol o Central Luzon ngayong araw na ito (Linggo). Ganito ang tinahak ng mas naunang bagyong si Kristine noong Oktubre na ikinamatay nang marami at ikinapinsala ng mga ari-arian.

“Patung-patong ang mga bagyo.  Nagsisimula pa lang bumangon mula sa katatapos na bagyo ang isang bayan nang simulan naman silang araruhin ng sumusunod na bagyo,” sabi ni Gustavo Gonzalez, humanitarian coordinator ng United Nations sa Pilipinas sa isang ulat ng ABS-CBN. “Sa kontekstong ito, nasasaid ang kapasidad sa pagresponde at nauubos ang badyet.”

Marahil, isa ito sa epekto ng climate change partikular na ng global warming na nagpapatindi sa mga bagyong tumatama sa Pilipinas at iba pang mga bansa. Hindi naman makaiiwas ang ating bansa dahil nakapuwesto ito sa bahagi ng mundo na talagang tinatamaan ng mga bagyo pero maaaring nakakatulong ang mga kinakailangang paghahanda para maibsan kundi man maiwasang ganap ang epekto nito at mga agarang lunas sa mga ibinubunga ng ganitong mga kalamidad.

Dati na namang nangyayari na may mga bagyong magkakasunod na humahataw sa bansa. Hindi nga lang malaman kung merong dapat ikabahala o kung kailangang pag-aralan ang sinasabing kakaibang ikinilos ng mga bagyo ngayong buwang ito at ano ang maaaring isagawa ng mga kinauukulan at mamamayan sakaling maulit ang ganitong kakaibang mga bagyo sa hinaharap.

-oooooo-

Email: [email protected]

BAGYO

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with