“NAITANONG ko lang. Marami na kasi ngayon ang nanloloko at sinisimot ang pera sa ATM o sa banko. Kaya huwag kang magbibigay ng anumang inpormasyon sa sinumang magti-text sa iyo o magmi-message sa FB,” sabing palusot ni Puri.
“Salamat sa paalala mo, Puri. Hindi ko nga alam kung paano ko itatago ang mga kinita ko sa New Zealand. Nakalaan pa naman ‘yun sa future namin ni Mayang,’’ sabi ni Jeff na kunwari ay maluluha pa habang nagsasalita.
“O si Mayang na naman ang narinig ko sa’yo? Sabi ko naman sa’yo huwag mo nang isipin pa si Mayang at pinalitan ka na nun. Sa akin ka maniwala, Jeff.’’
Hindi sumagot si Jeff. Nag-iisip siya ng mga sasabihin para mapilit niya si Puri na sabihin ang kinaroroonan ni Mayang.
“Sa akin ka maniwala. Hindi kita lolokohin. Masarap akong magmahal, Jeff.’’
“Gusto ko lang malaman ang kinaroroonan ni Mayang—yun lang!’’
Nag-isip si Puri. Pinagmasdan si Jeff.
“Mabuti pa nga siguro ay uminom ka para malimutan ang babaing nagtaksil sa’yo,’’ sabi ni Puri at sinalinan ng alak ang baso.
“Sige uminom ka, Jeff. Gusto mo rin lang malasing! Gawin mo na ang gusto mo. Kalimutan mo na ang pagmamalasakit ko.’’
Kunwari ay nabagbag ang kalooban ni Jeff sa mga sinabi ni Puri.
“Hindi naman sa ganun. Gusto ko lang malaman ang kinaroroonan niya at tapos na ang lahat. Hindi ko na siya hahanapin. Bahala na siya sa buhay niya!’’
“Talaga?”
“Oo!’’
“Baka lasing ka lang Jeff?”
“Paano ako malalasing e hindi pa ako umiinom?”
“Ayaw mo na sa kanya?”
“Oo. Para maniwala ka ibibigay ko sa’yo ang pera na nasa ATM.’’
“Totoo Jeff?’’
“Oo. Pero sa isang kondisyon.’’
“Anong kondisyon?’’
(Itutuloy)