Doktor sa Nigeria na nakaguhit nang pinakamalaking drawing sa buong mundo, nakatanggap ng Guinness World Record!

ISANG doktor sa Nigeria ang nakapagtala ng Guinness World Record sa pamamagitan ng isang 10,814.5-square-foot na drawing na nagdiriwang ng kultura ng kanyang bansa.

Iginuhit ni Fola David-Tolaram ang “The Unity of Diversity” gamit ang waterproof markers sa isang napakalaking canvas sa isang 5,000 seater stadium.

Dahil dito, nakatanggap ito ng world record title na “World’s Largest Drawing by an Individual”.

Ang naturang drawing ay nagpapakita ng mapa ng Nigeria na may mga larawan ng mga tanyag na Nigerians at mga simbolo ng kanilang mga kultura na nagmula sa iba’t ibang rehiyon ng kanilang  bansa.

“Ang Nigeria ay isang multi-kultural na bansa. Nais kong gumawa ng isang bagay na sumasalamin dito,” ani David-Tolaram sa Guinness World Records.

“Bago simulan ang proyektong ito, naglakbay ako sa buong bansa upang personal na maranasan ang iba’t ibang kultura, at ang mga karanasang ito ang dinala ko sa stadium upang likhain ang drawing na ito.”

Show comments