Mayang (45)
NANG magbalik si Puri mula sa kitchen ay may dala na itong pagkain sa plato.
Nakahiga si Jeff sa sopa at kunwari’y nahihilo pa sa kalasingan.
“Kumain ka muna. Kanina ka pa hindi kumakain. Kaya siguro nalasing ka agad.’’
“Hindi naman ako lasing ah!’’
“Kanina lasing na lasing ka! Sa sobrang kalasingan mo, papasukin mo nga ako sa banyo habang naliligo. Parang gusto mo akong reypin,’’ sabing nakangiti ni Puri.
Sinakyan ni Jeff ang pagsisinungaling ni Puri. Kailangang makianod siya para malaman kung nasaan si Mayang. Gusto rin niyang malaman kung bakit siya ang napiling biktimahin ni Puri gayung magkaibigan sila ni Mayang.
“Lasing nga siguro ako. Talaga bang papasukin kita sa banyo?”
“Oo. Pinaaabot ko lang ang towel pero gusto mo akong anuhin…’’
“Sorry ha? Masyado nga sigurong marami ang nainom ko.’’
“Pero okey lang Jeff. Sana nga tinuloy mo.’’
“Ang alin?’”
“Wala! Sige kumain ka na.’’
“Meron pa bang alak na natira?’’
“Meron. Pero hindi na kita paiinumin at baka malasing ka na naman.”
“Di ba yun ang gusto mo—malasing ako—para may gawin ako sa’yo.”
Humalakhak si Puri.
“Mukhang palaban ka na Jeff.’’
“Hindi naman. Sinasagot ko lang ang mga tanong mo.’’
“Nagtataka ako dahil hindi ka naman ganyan.’’
“Nakakapagpatapang siguro ang alak.’’
“Gusto mo uminom uli?”
“Sige.”
Kumuha ng baso si Puri.
Nilagyan ng alak. Kalahati.
“Bago mo inumin ito, may itatanong ako. Hindi ka naman siguro magagalit.’’
“Ano yun?’’
“Marami ka ba talagang naiuwing pera mula New Zealand?”
Napangiti si Jeff.
“Di ba sinabi ko na sa’yo nun pa? Ang pera ay para sa future namin ni Mayang.’’
“Saan nakatago ang pera mo?’’
Napangiti uli si Jeff.
Hindi siya sumagot sa tanong ni Puri.
“Saan nakatago ang pera mo, Jeff?’’
(Itutuloy)
- Latest