Mayang (44)

NATAPOS ang pag-uusap sa cell phone nina Puri at Henry. Nilapitan ni Puri si Jeff. Nagkukunwari pa ring natutulog si Jeff. Kailangang paghusayan niya ang pagkukunwari na natutulog para malaman niya kung nasaan si Mayang. Alam ni Jeff na sa pag-uusap nina Puri at Henry ay maaring mabanggit si Mayang. Alam din ni Jeff na ngayong walang natagpuang ATM sa pitaka niya, lalong magiging maigting ang pagnanais nito na makuha iyon sa kanya.

Naramdaman niya ang pag-upo ni Puri sa tabi niya at saka isinuksok ang pitaka sa bulsa niya. Nahirapan si Puri na maisuksok ang pitaka sa bulsa ng pantalon ni Jeff.

Nang maisuksok ay tinapik-tapik siya ni Puri sa braso.

“Jeff! Jeff!’’

Hindi kumilos si Jeff. Hinusayan niya ang pag-arte sa pagtulog.

“Jeff! Jeff! Gising! Gising!”

Nagmulat si Jeff. Kumurap-kurap.

“Anong nangyayari? Bakit Puri?’’

“Hindi ka pa kumakain, Jeff. Baka ka magkasakit. Ipag­hahanda kita ng pagkain.’’

“Ang tagal kong nakatulog. Dapat siguro umuwi na ako. Tumigil na ba ang ulan?’’

“Malakas pa ang ulan! Bukas ka na umuwi!’’

“Mag-uumaga na ba?’’

“Hindi pa. Alas dose pa lamang ng hatinggabi.’’

“Akala ko, umaga na.’’

“Maghahanda ako ng pagkain. Kailangang makakain ka.’’

“Wala na bang alak?’” tanong ni Jeff.

“Mamaya ka na uminom kapag nakakain.’’

“Sige.’’

“Sandali at maghahanda ako ng pagkain. Sandali lang ako Jeff!’’

“Sige.’’

Nagtungo si Puri sa kitchen.

Nag-iisip naman si Jeff ng mga gagawin. Tiyak na may sorpresang gagawin sa kanya si Puri para mahuthot ang kanyang pera. Makikipaglaro siya kay Puri at sa kasabwat na lalaki.

(Itutuloy)

Show comments