‘Kandila’ (Part 7)

SI Lola Feliza ang nag-iisang manggagamot at nagtatawas sa aming lugar kaya marami ang nalungkot sa kanyang pagkamatay. Hindi kasi naniningil si Lola sa mga nagpapagamot. Donasyon lang at kahit magkano ang ihulog sa lata na parang alkansiya. Kung walang-wala, libre na ang pagpapagamot. Katwiran kasi ni Lola, ibinigay sa kanya ng Diyos nang libre ang karunungan sa panggagamot kaya libre rin yun na ibibigay sa mga taong nangangailangan.

Matapos mailibing si Lola ay inayos ko ang kanyang mga gamit sa panggagamot. Inilagay ko sa isang malaking box ang mga langis at kung anu-ano pang mga ugat at dahon na panghilot o pangmasahe.

Ang mga natirang kandila ay inayos ko ang pagkakasalansan sa lumang baul. Binalot ko sa telang pula. Yun ang laging utos ni Lola, ang mga kandila ay kailangang balutin sa pulang tela. Pagkatapos balutin, tinalian ko ang tela at saka maayos na itinago sa baul.

Ang “mahiwaga” at payat na kandila naman na sinabi ni Lola na magbibigay sa akin ng suwerte ay inilagay ko sa isang kahon. Nakabalot din iyon sa pulang tela. Iingatan ko iyon gaya nang bilin ni Lola.

Napatunayan kong may suwerte ngang dala ang payat na kandila nang ako magkolehiyo sa Maynila. Dala ko hanggang Maynila ang kandila.

Nang anim na buwan na ako sa Maynila, nanalo ako sa sweepstakes. Uso pa noon ang sweepstakes na binili ko sa isang vendor sa Quiapo.  (Itutuloy)

Show comments