Milyones sa POGO raids, intact! — Fajardo
NANDAMAY pa ang sunog na nilikha ng raid ng Philippine National Police (PNP) sa Century Peak Tower sa Manila. Dahil sa kaguluhan na dala ng raid, abayyy naungkat pa ang mga nakalilipas na POGO raids. At ang dahilan? Siyempre pitsa! May mga disinformation kasi na kumakalat na may nawawalang ebidensiyang milyones sa POGO raids at ang tinatamaan ay ang imahe ng PNP. Araguyyy!
Mabuti na lang at mabilis pa sa alas kuwatro ang pamatay sunog ng PNP sa katauhan ni Spokesperson Brig. Gen. Jean Fajardo na ina-assure ang publiko na ‘wag mag-alala at intact ang mga ebidensiya. E di wow! Wala namang isyung milyones ang raid sa Century Peak Tower subalit binato ang mga raiders ang akusasyon na extortion. Sanamagan! Ano pa ba ang bago dito?
Halos lahat ng POGO raids ay may akusasyon na may nakulimbat na milyones ang mga raiders at ang palaging kawawa ay ang imahe ng PNP na mabilis dumadausdos. Dipugaaaaa! Hehehe! Kailangan pa bang i-memorize ‘yan?
Sinabi ni Fajardo na hindi totoo ang kumakalat na Marites na nawawala ang milyones na nakumpiska sa mga nakarang POGO raids. “May mga lumalabas po na information and disinformation to put some cloud of doubt dito po sa latest na operation po ng ACG at PNP NCRPO doon po sa Century Peak Tower at binuksan po yung previous cases po natin, involving mga POGO po,” ani Fajardo sa isang press briefing nitong Lunes. Walang katotohanan ang mga malisyosong report, ani Fajardo, dahil “intact po yung pera.”
Ayon kay Fajardo ang P187 milyon na nakumpiska sa Clark Sun Valley hub Corp. sa Pampanga at ang P117.1 M naman na galing sa Xinchuang Network Tech. Inc. (formerly known as Hong Tal) sa Las Piñas ay nasa safekeeping ng PNP sa Camp Crame. Naglabas pa si Fajardo ng video para ipakita ang nakaimbak na pitsa sa isang taguan. Mismooooo!
Idinagdag pa ni Fajardo na handa ang PNP na ipakita ang nakumpiskang pitsa kapag iniutos ng korte. Hayan, maliwanag pa sa sikat ng araw ang paliwanag ni Fajardo ha? Hehehe! Ambot sa kanding na may bangs!
Kaya naman naungkat ang Las Piñas raid mga kosa dahil ang namuno rito ay si Maj. Gen. Sidney Hernia, na dating hepe ng Anti-Cybercrime Group. Dahil nayanig niya ang Century Peak Tower, mukhang may media campaign para siraan si Hernia. Ano sa tingin n’yo mga kosa?
Dahil sa mga akusasyon na extortion laban sa mga Century Peak Tower raiders, si Hernia ay na-relieve bilang NCRPO chief, kasama si ACG director Maj. Gen. Ronnie Cariaga. Dipugaaa! Nagtrabaho lang eh! Mukhang matindi ang nasagasaan nina Hernia at Cariaga, dahil direkta raw ito sa Palasyo. Ano ba ‘yan?
Sa Nobyembre 17 matatapos ang deadline ng administrative relief nina Hernia at Cariaga at wala pang linaw hanggang kahapon kung makakabalik pa sila sa dating puwesto. Sanamagan! Hehehe! Ang sakit sa bangs nito!
Habang nagpapahinga sina Hernia at Cariaga, ang katanungang umiikot sa Camp Crame ay sino ang nag-utos sa kanila na salakayin ang Century Peak Tower? Mukhang naiwan sa ere ang dalawang opisyal ng PNP.
Dapat alamin ni PNP chief Gen. Rommel Francisco Marbil kung sino ang nasa likod ng raid sa 40-storey building. Abangan!
- Latest