Baboyramo, umatake at nangagat ng pasahero ng tren sa South Korea!

ISANG baboyramo ang nagdulot ng kaguluhan sa Hopo Station sa Yangsan, South Gyeongsang Province noong Oktubre 31, kung saan pan­samantalang itinigil ang ­operasyon ng tren dahil may ­nasugatang pasahero.

Ayon sa ulat, unang nakita ang baboyramo bandang 4:45 p.m. malapit sa isang restaurant sa Dong-myeon, Yangsan, bago ito tumawid sa kalsada at nakapasok sa Hopo Station bandang 5:10 p.m.

Ang baboyramo, na tinatayang 100 kilo ang bigat, ay nagwala at nakabasag ng isang glass barrier. Pagkatapos ay kinagat nito ang isang lalaking pasahero sa braso.

Agarang inilikas ng mga opisyal ang iba pang mga pasahero at ipinatupad ang lockdown sa station. Duma­ting ang mga pulis at bumbero bandang 5:43 ng hapon. Dahil patuloy na nagwawala ang baboyramo, walang nagawa ang mga pulis kundi barilin ito.

Iniimbestigahan ng mga awtoridad kung paano nakapasok ang baboyramo sa train station. Sa kasalukuyan, ligtas na ang ­pasaherong nakagat ng baboyramo.

Show comments