Ang kuwento ni Tutoy ay nangyari sa isang probinsiya sa Southern Tagalog noong huling bahagi ng 1950’s kung saan kasagsagan ng pagsusulputan ng mga cabaret sa maliliit na munisipalidad. Mabilis lang mag-recruit ng mga belyas dahil sa kahirapan at bihirang magulang lalo na sa taga-probinsiya, ang may interes pag-aralin ang kanilang mga anak na babae. Kaya pagbebelyas na lang ang naiisip ng mga kadalagahan para kumita. Kung tutuusin ay pakikipagsayaw lang at pag-inom ng alak ang trabaho ng belyas. Nasa babae na kung payag siyang may kasamang sex sa serbisyo. Hindi na sagutin ng operator ng cabaret kung anuman ang mangyari sa kanya. Kapag nabubuntis, siya ay pansamantalang tinatanggal sa trabaho at pinauuwi sa probinsiyang pinanggalingan. Pero kadalasan ay ibinabahay na siya ng nakabuntis sa kanya, binata man ito o may asawa.
Sa sobrang pagkahaling ni Tutoy kay Glenda, ginagawa na niyang ritwal ang pagsilip sa maliit na butas ng dinding ng cabaret para ito masilayan ng matagal. Interesado rin siyang malaman kung ano ang pinaggagagawa nito. Isang gabi habang nakasilip siya, nakita niyang nagpaalam si Glenda sa floor manager at lumabas ng cabaret. Mahahalata sa kanyang kilos na hindi maganda ang pakiramdam nito. Lihim na sinundan ni Tutoy si Glenda. Sa buong pagtataka ni Tutoy, ang direksiyon tinatahak ni Glenda ay hindi patungo sa boarding house kundi sa madilim na manggahan, kung saan magubat ang paligid. Nagtago ito sa pinakamalaking puno. Naharangan ng puno ang view ni Tutoy kay Glenda. Maya-maya ay may narinig siyang tila pagaspas ng pakpak ng ibon. Sa isip niya, malaki siguro ang ibon dahil malakas ang tunog ng pakpak nito.
Sa tantiya niya ay 30 minuto siyang nanatiling nakatago sa isang puno para hintayin ang paglabas ni Glenda. Pero nakaramdam siya ng pagkainip kaya pumunta siya sa kinaroroonan nito. Bahala nang mabisto na sinusundan-sundan nito ang dalaga. Paglapit niya ay nakatayong putol na katawan ang bumungad sa kanya. Naroon ang bandang ibaba, mula beywang hanggang paa pero wala ang katawan paitaas hanggang ulo. Diyata’t ang babaeng itinatangi niya sa kanyang puso ay isa palang manananggal? Naghalo-halo ang mabahong amoy mula sa kalahating katawan, takot at sama ng loob bunga ng pagkatuklas sa nakakarimarim na sikreto ng babaeng natutuhan niyang mahalin. Nagtatakbo siya palayo ngunit nasa may hagdan pa lang ng kanilang bahay ay nawalan na siya ng malay. (Itutuloy)