Dear Attorney,
Kailangan ko po bang dumaan sa barangay bago makapagsampa ng small claims sa court? —Nora
Dear Nora,
Nakasaad sa Republic Act No. 7160 o sa Local Government Code na lahat nang kaso na isasampa sa korte ay kailangang dumaan sa barangay bukod na lamang sa mga sumusunod na sitwasyon:
a) Kapag ang isa sa mga partido sa kaso ay ang gobyerno;
b) Kapag ang isa sa mga partido ay opisyal o empleyado ng gobyerno at ang kaso ay may kinalaman sa kanyang mga tungkulin;
c) Kapag ang kaso ay may kinalaman sa krimeng may parusang pagkakakulong ng higit isang (1) taon o multa na higit limang libong piso (P5,000.00);
d) Kapag kriminal ang kaso at walang sangkot na pribadong indibidwal;
e) Kapag may kinalaman ang kaso sa mga real properties na matatagpuan sa magkakaibang lungsod o munisipyo bukod na lang kung ang mga partido sa kaso ay boluntaryong dudulog sa barangay upang maayos ang kanilang gusot;
f) Kapag nakatira ang mga partido sa kaso sa mga barangay ng magkaibang lungsod o munisipyo, bukod na lang kung magkatabi ang tinitirhan nilang barangay at nagkasundo ang mga partido na boluntaryo silang dudulog sa barangay upang maayos ang kanilang gusot;
g) Mga kaso na sa tingin ng Pangulo or o sa rekomendasyon ng Secretary of Justice ay hindi na kailangang dumaan sa barangay (Section 408, Chapter VII, RA No. 7160).
Bukod sa mga nabanggit, may idinagdag pa ang Section 412(b) ng Local Government Code na mga kaso kung saan maaring dumiretso na sa korte ang nagrereklamo:
1. Kapag ang akusado ay kasalukuyan nang nakakulong o ang isang tao ay binawian ng kalayaan sa anumang paraan at kailangan nang magsampa ng kaso para sa habeas corpus upang siya ay mapalaya;
2. Kapag ang kaso ay may kasamang hiling ng pansamantalang remedyo katulad ng injunction (katulad ng TRO), support pendente lite (paghingi ng tulong pinansyal sa kabilang partido habang dinidinig pa ang kaso) atbp.
3. Kapag ang kaso ay malapit nang mapaso ayon sa Statute of Limitations ng ating Civil Code at kailangan na itong maisampa sa lalong madaling panahon.
Kaya kung ang residence mo at ng iyong balak habulin ng small claims ay nasa iisa o magkatabing barangay at hindi naman angkop sa sitwasyon mo ang alinman sa mga nabanggit ay kailangan mo munang idaan sa barangay ang iyong reklamo. Dapat ay makakuha ka muna ng Certificate to File na magiging katibayan sa korte na dumaan ka sa barangay bago mo isinampa ang iyong kaso.
Kung hindi kasi dadaan sa barangay ay maaring mabasura kaagad ang reklamo dahil kulang pa sa sinasabing “condition precedent” ang kaso. Ito ay ang mga kailangang kondisyon bago maisampa ang demanda at ang isa sa halimbawa ng mga kondisyong ito ay ang pagdaan sa barangay conciliation upang magkaroon ng oportunidad na makapag-ayos ang mga partido bago makarating ang alitan sa husgado.