Dapat pa bang padalhan ng demand letter ang nangutang?
Dear Attorney,
Kailangan ko pa bang padalhan ng demand letter ang may utang sa akin na hindi pa rin nagbabayad hanggang ngayon kahit napagkasunduan naman namin kung kailan ang due date ng kanyang utang? —Kier
Dear Kier,
Nakasaad sa Article 1169 ng Civil Code na “[t]hose obliged to deliver or to do something incur in delay from the time the obligee judicially or extrajudicially demands from them the fulfillment of their obligation.”
Ibig sabihin, hangga’t walang singilang nangyayari, hindi pa masasabing delayed o huli sa pagtupad ng kanyang obligasyon ang isang partido sa kontrata o kasunduan.
Sa kabilang banda, nakalagay rin sa Article 1169 ang exception dahil may mga obligasyong hindi na kailangan ng demand o ng paniningil, lalo na kung nakasaad na mismo sa batas o sa kontrata na hindi na kailangang singilin ang obligasyon.
Kaya ang tanong ay pasok ba sa nasabing exception ang naging kasunduan n’yo ng pinautang mo. Napagkasunduan n’yo ba na hindi na kailangan ng singilan para maging due ang utang o ang napagkasunduan n’yo ba ay tungkol lamang sa petsa kung kailan siya kailangang magbayad?
Magkaiba kasi ang dalawang iyan kaya kailangang malinaw kung ano ba napagkasunduan n’yo.
Pero anupaman ang talagang naging kasunduan n’yo, maipapayo ko na magpadala ka na lang ng formal na demand letter para mabigyan na rin ng huling pagkakataon ang pinautang mo na magbayad at nang hindi na kayo humantong sa demandahan na magastos at ubos oras.
Makakasigurado ka ring hindi agarang madi-dismiss ang kasong isasampa mo dahil lamang sa hindi paniningil ng maayos sa nagkakautang sa iyo.
- Latest