Si Cary ay half Korean, half Pilipino. Dito siya sa Pilipinas lumaki at nagtapos ng kolehiyo. Nagkaroon siya ng magandang job offer na magturo ng English sa isang school sa Korea. Tinanggap niya ito.
Namuhay siya roon nang nag-iisa dahil narito sa Pilipinas ang kanyang ama at ina. Para madagdagan ang kinikita, nagtu-tutor siya ng English sa elementary students. Pinupuntahan siya ng mga estudyante sa kanyang bahay.
Isang araw, may nangyaring emergency sa magulang ng isang batang lalaki na nagpapa-tutor sa kanya. Nakiusap ang parents na sa kanya na muna makikitulog ang kanilang anak at kinabukasan na lang ng umaga susunduin.
Iisa lang ang bedroom niya kaya ang bata ay sa sahig na natulog habang siya ay sa kanyang single bed.
Pagsapit ng alas kuwatro ng umaga, ginising si Cary ng bata.
“Miss, samahan mo ako sa grocery. Nagugutom ako.”
“Ha? Napakaaga pa.”
“Sige na, masakit na ang tiyan ko.” Umiyak-iyak pa ang bata para siya makumbinse.
Walang nagawa si Cary kundi samahan ang bata dahil ang grocery ay nasa tapat lang ng apartment niya. Nang nasa grocery na sila, biglang nagsalita ang bata.
“Miss, may lalaki sa ilalim ng iyong kama. Natutulog siya nang makita ko. Kaya kita pinilit na lumabas para makatawag tayo ng pulis.”
Dumating ang mga pulis at inaresto ang lalaki.
Ang lalaki ay isang baliw. May ugali itong pumapasok ng bahay at doon manatili hangga’t hindi nabibisto ng may-ari ng bahay.
Nagpasalamat si Cary sa bata na alerto at buo ang isip sa maaaring mangyaring masama.
Nang mabalitaan ng kanyang parents ang nangyari, pinilit siyang umuwi na sa Pilipinas at dito na lamang magtrabaho.