ITINATANGGI noon ni dating President Rodrigo Duterte na may “Davao Death Squad”. Wala raw katotohanan ang “DDS”. Pero sa hearing ng Senate Blue Ribbon Committee noong Lunes kung saan dumalo si Duterte, inamin niya na may “DDS”.
“Meron akong death squad, pito, pero hindi ‘yang mga pulis. Sila rin ‘yung mga gangster. ‘Yung isang gangster, uutusan ko, patayin mo ‘yan! Kung hindi mo patayin ‘yan, patayin kita ngayon,” sabi ni Duterte.
Sa bibig na mismo ni Duterte nanggaling na mayroon siyang death squad. Nagulat si Senate President Chiz Escudero sapagkat ipinagmalaki pa ni Duterte na mayroon siyang “DDS”. Ang kanyang mga sinabi ay maaari nang basehan ng mga kahaharapin niyang kaso. Maaari siyang kasuhan dahil inamin niya na may inutusan siyang patayin.
Masusubok ngayon ang gobyerno ni President Ferdinand Marcos Jr. na ipatupad ang batas laban sa mga gumawa ng karumal-dumal na krimen. Sa kasalukuyan, ayaw ni Marcos na bumalik ang bansa para maging miyembro ng International Criminal Court (ICC) dahil gumagalaw daw naman ang justice system sa bansa. Hindi na raw kailangan ang ICC sapagkat nanghihimasok lamang ang mga ito. Ipakita ng kasalukuyang administrasyon na gumagalaw nga ang hustisya sa pamamagitan ng pagsasampa ng kaso at litisin ang dating Presidente.
Walong oras humarap sa pagdinig si Duterte at tahasang inamin ang madugong giyera at ipinagtanggol ito kung bakit ginawa. Sabi ni Duterte, ginawa niya ito dahil mahal niya ang bansa. Hindi raw dapat kuwestiyunin ang kanyang mga patakaran at hindi kailanman siya hihingi ng tawad dahil ginawa lamang niya ang dapat gawin.
Bilang Presidente raw, ang kanyang tungkulin ay protektahan ang bansa at ang mamamayan. Huwag din daw husgahan ang pulis sapagkat sinunod lamang ng mga ito ang utos niya. Siya na lang daw ang ikulong. Kawawa naman daw ang mga pulis dahil nagtatrabaho lamang daw ang mga ito. Siya raw ang tanging may responsibilidad sa lahat sa pagpapatupad ng war on drugs.
Nang tanungin si Duterte ni Senator Risa Hontiveros kung sinu-sino ang pitong miyembro ng DDS, sinabi ng dating Presidente na hindi niya maalala dahil matanda na siya, edad 73 na siya. Pero sinabi na “libu-libo” ang napatay sa war on drugs sa panahon ng kanyang pamumuno.
Dapat nang gumalaw ang hustisya sa pag-amin ni Duterte sa mga nangyaring pagpatay. Pakilusin ang batas para mapanagot ang mga nagkasala. Maraming naghihintay ng katarungan. Isilbi ito.