^

Punto Mo

Patay kung patay

USAP TAYO - Pastor Joey Umali - Pang-masa

SA pagdinig na ginawa ng Senate Blue Ribbon Committee tungkol sa giyera laban sa droga kung saan ang isa sa inimbitahan ay si dating Presidente Digong Duterte, namutiktik ang salitang patay. Hindi lamang ‘yon, ang istilo ng kanyang pagsasalita na sinasangkapan ng pagmumura ay bara-bara o patay kung patay.

Kill, kill, kill—tila ‘yon ang slogan ng administrasyong Duterte, bagamat niliwanag naman niya na ang kanyang ipinapapatay ay mga kriminal na tulad ng mga taong sangkot sa droga. Inamin din ng dating Presidente na inutusan niya ang mga pulis na amukin ang mga inaarestong sangkot sa droga na manlaban para may dahilan sila upang pumatay. Kaya naman pala marami sa 6,000 napatay na iniulat ng pulisya ay sinasabing nanlaban.

Ayon sa mga organisasyong lumalaban sa extra-judicial killings, mahigit sa 30,000 ang napatay bunga ng giyera laban sa droga. Ito ang dahilan kung bakit may isinampa sa International Criminal Court na kasong crime against humanity laban kay Duterte. Nakakagulat din ang pangungumpisal ni Duterte na nag-organisa siya ng death squad sa Davao City na binubuo ng mga maton para pumatay ng mga kriminal. Talagang patay kung patay!

Doon na lamang tayo sa estimate ng pulisya na 6,000 ang napatay bunga ng giyera laban sa droga, mahirap isipin na lahat sila’y totoong may kasalanan. Kahit isa lamang sa bilang na ito ang napatay bagamat inosente ay malaking pananagutan sa lipunan at lalo’t higit sa Diyos. Naniniwala ako na hindi lamang isa, kundi marami, libu-libo, ang napatay na wala namang kasalanan. At kahit na ang napatay ay totoong nagkasala, sa ilalim ng isang demokratikong bansa na tulad natin, pinagkakalooban ang mga akusado ng karapatan para sa due process, at hindi maaaring basta na lamang patayin.

Isa sa Sampung Utos, ayon sa Exodo 20:13, ay “Huwag kang papatay.” Bawat tao’y nilikha ng Diyos ayon sa Kanyang larawan, kaya’t sa Diyos ay mahalaga, sagrado ang bawat buhay. Walang sinuman ang may karapatang kumuha ng buhay ng sinuman, maliban sa Diyos. Dati’y mayroon tayong hatol na kamatayan, ngunit noong 2006 ay inalis na ito, kung kaya’t ang pinakamataas na lamang na parusa sa mga nagkasala sa batas ay habambuhay na pagkabilanggo.

Lalo namang mahigpit ang utos ni Hesus. Sa Kanya, ang mapoot lamang sa kapwa ay isa ng uri ng pagpatay.  Ang pagpatay ay nagsisimula sa puso hanggang sa ito’y isagawa ng mga kamay.  Ganito ang sabi Niya sa Mateo 5:21-22, “Narinig ninyo na sinabi sa inyong mga ninuno, ‘Huwag kang papatay; ang sinumang pumatay ay mananagot sa hukuman.’ Ngunit sinasabi ko naman sa inyo, ang sinumang napopoot sa kanyang kapatid ay mananagot sa hukuman, ang humahamak sa kanyang kapatid ay mananagot sa Kataas-taasang Kapulungan ng mga Judio, at sinumang magsabi sa kanyang kapatid, ‘Ulol ka!’ ay manganganib na maparusahan sa apoy ng impiyerno.” 

Doon pa lamang sa punto ng pagmumura ay napakarami na palang napatay ni Duterte. Kung ang pamantayan ni Hesus ang ating isasaalang-alang, lahat tayo’y mamamatay-tao, lahat tayo’y tagasunod ng slogan na patay kung patay. Sa halip na batas ng patay kung patay, ang manaig nawa sa atin ay ang batas ng pag-ibig sa kapwa. Ito ang batas na laging nagpapahalaga sa kasagraduhan ng buhay.

DRUGS

Philstar
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with