Kulang ang separation pay

Dear Attorney,

Five years na po ako sa trabaho ko ngayon pero apektado raw ako ng retrenchment ng kompanya. Sa buwanang sahod ko pong P24,000 ay makakatanggap daw ako ng P50,000 na separation pay. Hindi ko po muna tinanggap ang iniaalok na separation pay at hindi muna ako pumirma sa ibinigay nilang quitclaim kung tama ba ang halagang matatanggap ko?— Karla

Dear Karla,

Tama ang ginawa mo na hindi muna tanggapin ang iniaalok sa iyong halaga bilang separation pay.

Ayon sa ating batas ay makakatanggap ng kalahating buwang sahod para sa bawat taon ng kanyang serbisyo ang empleyadong tinanggal ng kanyang employer dahil sa retrenchment o iyong pagtatanggal ng tauhan upang mapigilan ang pagkalugi ng negosyo.

Base sa nabanggit ay hindi bababa sa P60,000 ang dapat na separation pay na matanggap mo. Base ang halagang ito mula sa kalahating buwan mong sahod (P12,000) para sa bawat isang taong itinagal mo sa iyong employer, na ayon sa iyo ay limang taon.

Dahil mas mababa ang ibinibigay sa iyong separation pay kumpara sa sinasabi ng batas na dapat mong matanggap ay maari mong kuwestiyunin ang employer mo tungkol dito. Kung ipagpipilitan pa rin ang halagang ibinibigay nila ay mabuting magreklamo ka na sa pinakamalapit na ­tanggapan ng DOLE o NLRC upang doon na lang kayo magharap.

Mas mainam din kung kukuha ka ng abogadong magha-handle ng reklamo mo upang maging malinaw rin ang iba pang posibleng isyu sa sitwasyon mo katulad ng kung nararapat ba talaga ang gagawing retrenchment ng kompanya at kung may naging sapat ba na notice sa inyong naapektuhan nito.

Show comments