Mag-ingat sa leptospirosis
MARAMI pang lugar sa Bicol Region, particular sa Camarines Sur ang nananatiling baha sa kasalukuyan dahil sa pananalasa ng Bagyong Kristine, isang linggo na ang nakararaan.
Nang manalasa ang Bagyong Leon sa Batanes at Cagayan noong Miyerkules, marami ring lugar ang nalubog sa baha. Nakalabas na ng bansa ang Bagyong Leon kahapon pero sabi ng PAGASA, may mga pag-ulan pang magaganap at posible ang pagbaha sa mga mababang lugar.
Nagbabala naman ang Department of Health (DOH) sa mamamayan na binaha na magpakunsulta kapag nakaramdam ng sintomas ng leptospirosis. Ayon sa DOH, dalawang linggo ang incubation period ng virus leptospira na nagiging dahilan ng leptospirosis.
Kabilang sa mga sintomas ng leptospirosis ang lagnat, pangangatal ng katawan, pananakit ng kalamnan at kasu-kasuan, pamumula ng mga mata, paninilaw ng balat, pananakit ng ulo, hirap umihi at kulay tsa ang ihi.
Nakukuha ang virus kapag ang isang tao na may sugat sa paa, binti, hita at singit ay lumusong sa baha na walang proteksiyon. Papasok ang virus sa sugat at dito na magsisimula ang lepto. Galing ang virus sa ihi ng daga at iba pang hayop.
Ipinapayo ng DOH na magsuot ng bota kapag lulusong sa baha. Kung may sugat sa mga nabanggit na bahagi ng katawan, huwag nang lumusong sa baha. Hindi biro kapag nagka-leptospirosis sapagkat kailangang sumailalim sa dialysis. Sinisira ng virus leptospira ang kidneys kaya kailangang i-dialysis ang pasyente. Magastos ang pagpapa-dialysis.
Kung nakaramdam ng mga sintomas ng lepto, huwag nang ipagpaliban ang pagkunsulta sa doktor upang maagapan ang sakit.
Karamihan sa mga nagkaka-lepto ay mga bata dahil naglalaro ang mga ito sa baha na kontaminado ng ihi ng daga.
Noong nakaraang Setyembre, ipinanukala ni DOH Sec. Ted Herbosa na ipagbawal ang paliligo sa baha. Imumungkahi umano niya sa local government units (LGUs) na gumawa ng ordinansa na nagbabawal sa paliligo sa baha.
Isakatuparan ito ni Herbosa. Isulong niya ito. Hikayatin din naman niya ang mamamayan na maging malinis sa paligid o loob ng bahay upang walang manirahang daga.
- Latest