MAY magandang kinabukasan na naghihintay sa mga Indigenous People (IP) o mga katutubo sa Pinas. ‘Yan ay dahil sa pangako ni Atty. Gil Valera, ng Pinoy Ako partylist, na wawakasan ng tropa niya ang pang-aalipin, pang-iiscam at diskriminasyon laban sa katutubo, lalo na sa aspetong ancestral domain. Hindi lang ‘yan, pipilitin din ng grupo na matuldukan ang illegal mining sa Pinas na, ayon sa mga experts, ang pangunahing dahilan sa malawakang pagbaha sa bansa, lalo na tuwing may darating na bagyo. Si Valera ay nag-iikot sa lugar ng katutubo sa Pampanga at South Cotabato at nag-represent pa sa kanila sa korte para maisalin na sa kanila ang iniatang sa kanilang lupain. Nais ni Valera na magkaroon ng pantay na oportunidad at karapatan ang mga katutubo tulad ng ordinaryong Pinoy.
Kasama ang iba pang nominees ng Pinoy Ako partylist na sina Atty. Krista Gandionco, Atty. Apollo Emas at Danny Castillo, humarap si Valera sa media sa Wack-Wack Golf and Country Club sa Mandaluyong City, sabay panawagan na wakasan na ang panloloko sa mga katutubo. Hindi sumipot sa naturang okasyon ang sikat na content creator o vlogger na si Boss Toyo (o Jayson Luzadas sa tunay na buhay) dahil pagod ito sa pagkalat ng ayuda ng dalawang araw sa mga sinalanta ng bagyo sa Camarines Sur. Ayon kay Boss Toyo, ang adbokasya ng Pinoy Ako ay ang pagsusulong ng karapatan ng mga katutubo at mapabuti lalo ang kanilang pamumuhay. Dipugaaaaa! Sa paglilibot nila sa komunidad ng mga katutubo, napag-alaman ng grupo na marami sa kanila ang napilitang ipagbili ang kanilang mga lupain sa mga ganid na negosyante at mga developer.
Ang malimit na reklamo ng mga katutubo na natatanggap ng Pinoy Ako partylist ay ang diskriminasyon sa pag-transact sa gobyerno. Kaya’t hindi nagdalawang-isip sina Valera, Gandionco at Emas sa pag-represent sa 848 pamilyang Aeta sa Pampanga sa kanilang 18,660 ektaryang lupain na ipinagkaloob sa kanila sa pamamagitan ng certificate of ancestral domain title. May ganitong kaso din ang mga katutubo sa Baguio City, Zambales, South Cotabato at iba pang lugar ng Pinas. Ilang dekada na ang dumaan subalit usad pagong ang mga kasong isinampa ng mga abogado ng mga katutubo sa korte. Kaya lang, hindi nawawalan ng pag-asa si Boss Toyo at mga nominee ng Pinoy Ako partylist dahil sinisiguro nila na makakamtan din ng mga katutubo ang hustisya.
Ayon kay Valera, may tumutulong din sa mga katutubo sa pamamagitan ng National Commission on Indigenous People na ang primary goal ay proteksiyonan at i-promote ang interest at well-being nila. Kaya lang, hindi sapat ang budget ng NCIP na P300-M para umalagwa ang ahensiya na tulungan ang mga katutubo. “Walang sasakyan at kadalasan namamasahe lang ang taga-NCIP. Paano nila matugunan ang hinaing o problema ng katutubo kung sila mismo ay kulang sa badyet?” ang tanong ni Valera. Kapag nailuklok na sila sa Kongreso, sisikapin ng Pinoy Ako partylist na itaas sa P5 bilyon ang budget ng NCIP. Abangan!