TUWING babaha, ang basura ang sinisising dahilan at wala nang iba pa. At maaaring may katotohanan sapagkat nang humupa ang baha sa Naga City dahil sa pananalasa ng Bagyong Kristine, natambad sa kalsada ang tambak ng basura. Karaniwang mga plastic ang mga basura. Grabeng tinamaan ng baha ang Bicol Region makaraang bayuhin ng Bagyong Kristine noong Huwebes.
Hindi lamang sa Naga natambad ang maraming basura nang humupa ang baha kundi maging sa Calabarzon area. Nang mawala ang baha sa Lemery, Batangas mga basura rin ang naiwan sa kalsada. Marami ring basurang naipon sa mga ilog. Sa ilang bayan sa Cavite, tambak din ang basura sa kalsada nang humupa ang baha. Mga single-use plastic ang mga basurang nakatambak sa kalsada.
Sa Cainta, basura rin ang mga inanod at tinangay hanggang sa loob ng mga subdibisyon. May mga basurang plastic na nakasabit sa mga bakod at poste ng kuryente.
Sa Araneta Avenue sa Quezon City, basura rin ang naiwan nang humupa ang baha. Kung gaano karami ang basura nang manalasa ang bagyong Carina noong Hulyo, ganundin ang mga inanod na basura nang humagupit ang Bagyong Kristine.
Sa Maynila, 87 trucks ng basurang plastic ang nahakot makaraan ang Bagyong Kristine. Tuwing tatama ang bagyo, ang Maynila ay may pinakamaraming basura na hinahakot. Iniluluwa ng Manila Bay ang mga basura sa Roxas Blvd. Ang Dolomite Beach ay namumutiktik sa basurang plastic makaraang gastusan nang malaking halaga ng Duterte administration.
Basura ang dahilan ng pagbaha. Hindi lamang sa Metro Manila problema ang baha kundi sa probinsiya man. Basura ang dahilan nang lahat.
Ang pagkilos ng local government units (LGUs) hinggil sa problema ng basura ay nararapat bigyang pansin. Kung pababayaan, lalo pang lulubha ang baha.