Plano ni Remulla na bawasan ang PNP generals, palpak!

Nakadagdag sa demoralisasyon ng Philippine National Police ang suhestiyon ni DILG Secretary Jonvic Remulla na ga­wing 25 na lang ang generals sa PNP. Hindi na nga magkaugaga si PNP chief Gen. Rommel Francisco Marbil at ang command group sa kaiisip kung paano itaas ang morale ng 232,000 kapulisan dahil sa sunud-sunod na debacle na tinamo nila sa Senate at House ­hearings sa EJK at iba pa, at heto na naman si Remulla. Sa ngayon kasi, may 111 police generals sa hanay ng PNP, at siyempre hindi na makakapag-isip nang matino ang 96 generals dahil maaring isa sa kanila ang matigbak sa puwesto. Hindi makakatulong sa morale ng PNP ang tinuran ni Remulla. Sa tingin ng mga kosa ko, ill-advised si Remulla sa suhestiyon niyang ito.

Ayon kay Remulla, nakarating na kay President Bongbong Marcos ang plano at nais niyang ipatupad sa loob ng apat na buwan. Hindi naman ibinulgar ni Remulla kung paano n’ya maisasakatuparan ang pag-trim down ng PNP generals dahil, sa tingin ng mga kosa ko, madugo ito. Ano ang gagawing basehan ni Remulla para walisin ang sobrang heneral? Ibababa niya ng ranggo, o sapilitan silang ipag-retire? Naalala ko tuloy noong kapanahunan ni ex-Pres. Fidel Ramos kung saan ang mga senior officers ng itinalagang PNP chief na si Recaredo Sarmiento ay pilit na pinag-resign upang mapayapang pangunahan ng huli ang PNP. Marami ang tumugon sa kautusan ni Ramos subalit may dalawa sa command group na sumuway nito. Hindi naman sila pinarusahan at katunayan nagretiro sila sa puwesto nila. Ganitong sistema kaya ang gagawin ni Remulla?

Siyempre, hindi makapalag ang mga police generals sa suhestiyon ni Remulla dahil plano pa lang naman ito. Pampa-pogi points lang? Kasi kung nasa matinong pag-iisip itong si BBM, hindi niya papayagang bumaba ang morale ng PNP dahil sa masalimuot sa ngayon ang kanyang liderato. ‘Ika nga, gagatungan pa nito ang sitwasyon dahil mukhang palubog na ang ekonomiya ng Pinas. Ayon kay Remulla, “top heavy” ang structure ng PNP at kailangang i-address ang redundancies para ma-improve ang efficiency nito. May punto naman si Remulla. Kaya lang, nakalimutan ‘ata ni Remulla na ang PNP ay may 232,000 personnel at nararapat lang na marami ring heneral na mamamahala sa kanila. Kung sa Armed Forces of the Philippines (AFP) nga ay may 160,000 lang ang personnel subalit ang heneral naman nila ay aabot lang sa 120. Di ba dapat sa AFP magbawas ng heneral si BBM at hindi sa PNP.

Nais naman ng liderato ng PNP na makipagdayalogo kay Remulla para mai-present nila ang kanilang bersiyon ng interim organizational structure. ‘Ika nga, hanapin nila ang win-win solution sa problema. Eh di wow! Ayon kay PNP spokesperson Brig. Gen. Jean Fajardo, ang isang isyu na ihain nila kay Remulla ay ang pagbuwag ng Area Police Command na pinamumunuan ng 3-star general at ang mga deputies ay heneral. Kung sabagay, walang silbi din itong APC at wala namang “muscle” at sapat na budget. Sana magkasundo na si Remulla at PNP leaders nang sa gayon ang sambayanan ang makikinabang! Abangan!

Show comments