ANG EDSA Busway ay para lamang sa mga pampasaherong bus. Pinahihintulutan ding dumaan dito ang convoys ng President, Vice President, Speaker of the House, Senate President, at Chief Justice ng Korte Suprema. Ang mga lalabag ay pagmumultahin. First offense: P5,000; second offense: P10,000 at isang buwan na suspension ng driver’s license; third offense, P20,000 at suspension ng driver’s license sa loob ng isang taon; at P30,000 at pagbawi ng driver’s license sa mga susunod na offenses.
Ang Metro Manila Development Authority (MMDA) ang nagpapatupad ng kautusan at masyadong mahigpit ang traffic enforcers na laging nakabantay sa EDSA busway upang hindi magamit ng mga pribadong sasakyan at iba pa.
Pero bakit nakalusot ang convoy ni Kingdom of Jesus Christ (KOJC) founder Apollo Quiboloy noong Miyerkules nang dumalo ito sa Senate hearing? May VIP treatment ba sa kanya? Bakit walang humarang na traffic enforcers sa convoy niya?
Ayon sa Department of Transportation-Special Action and Intelligence Committee for Transportation (SAICT), mula sa PNP Custodial Center sa Camp Crame na kinakukulungan ni Quiboloy, ginamit ng convoy ang exit sa Annapolis St. at saka pumasok sa EDSA busway at nagtuluy-tuloy patungo sa Senado kung saan ginagawa ang pagdinig sa kaso ng pastor at lima pang KOJC members. Nahaharap si Quiboloy sa kasong child abuse at qualified human trafficking. Naaresto ang pastor noong Setyembre 8, 2024 sa Davao.
Marami nang nahuli ang MMDA enforcers na dumaan sa EDSA busway kabilang ang mga sasakyan na may plakang “7” at “8”. Nahuli na rin minsan ang sasakyan ni Sen. Francis Escudero noong nakaraang Abril 11, 2024. Nagsori si Escudero at sinabing ang driver ng SUV ay kanyang family member. Pinagreport niya ito sa MMDA office.
Noong Nobyembre 2023, isang SUV rin ang pinigil ng MMDA nang dumaan sa bus lane. Sabi ng driver ng SUV, si Sen. Bong Revilla ang sakay. Tinanggi ni Revilla na sa kanya ang sasakyan. Nagkaroon ng argumento sa pagitan ni Revilla at dating pinuno ng MMDA na si Bong Nebrija. Humingi ng paumanhin si Nebrija kay Revilla.
Mahigpit ang MMDA sa mga dumadaan sa EDSA busway pero nang si Quiboloy ang dumaan, nawala ang bangis ng enforcers. Dapat maging parehas. Ang batas ay batas!