Saan na tayo kumukuha ng kuryente?
ISA sa karaniwang kaganapan kapag bumabagyo ang mawalan ng kuryente. Paulit-ulit na parang taunang ritwal sa ating bansa na mapuputol ang suplay ng kuryente sa mga rehiyong sinasalanta nang malakas na bagyo bagaman meron namang mga paunang babala rito ang mga awtoridad para makapaghanda ang publiko. Depende sa tindi ng pinsalang dulot ng bagyo at sa pagkilos ng mga kinauukulan, ang pagkawala ng kuryente ay tumatagal nang ilang araw o ilang linggo o mga buwan.
Siyempre, kung walang kuryente, hindi aandar ang lahat ng klase ng mga makina; hindi sisindi ang mga ilaw at mga appliances, patay ang mga telebisyon at refrigerator, aircon, electric fan, computer, wifi o internet at ibang mga kagamitang nabubuhay sa kuryente.
Kahit nga ang suplay ng tubig ay pinapatakbo rin ng kuryente. Hindi magagamit ang mga instrumento o kagamitang medikal sa mga ospital kung walang kuryenteng magpapatakbo nito. Hindi gaanong makagalaw ang mga industriya.
Merong mga bagay na maaaring umandar sa pamamagitan ng mga baterya tulad ng smartphone, laptop, iPad at mga electric vehicle at kahit ang mga robot pero meron din itong limitasyon na kapag naubos ang power ay kailangang i-recharge na magagawa lang sa tulong ng kuryente. Paano kung walang kuryente?
Meron namang mga generator o solar panel pero hindi naman lahat ng tao ay may kakayahang magkaroon nito. Nakanganga na lang ang nakararaming masa sa paghihintay sa pagbalik ng kuryente.
Kailangan din ng mapagkukunan ng kuryente para maibalik ang naubos na power ng mga bagay na pinatatakbo ng baterya. Malungkot ang buhay ng mga mahilig sa social media kung hindi mabubuksan ang kanilang laptop, cell phone at iba pang gadgets.
Nakakapagpaalala rito ang sitwasyon na pangunahin pa ring pinagkukunan ng kuryente ang tinatawag na fossil fuel tulad ng langis at uling na nakakasama sa kalusugan at kapaligiran at sinasabing nagbubunsod ng climate change o global warming. Lubos pa rin tayong umaasa sa kuryenteng pinatatakbo ng fossil fuel.
Matagal nang isinasagawa at itinataguyod bilang alternatibong mapagkukunan ng enerhiya tulad ng solar, wind, biogas, geothermal, biomass, wave at tidal power at hydroelectric pero wala pa tayo sa yugto ng mass production ng ganitong mga klase ng kuryente para mabawasan ang paggamit ng fossil fuel.
Tulad din ng mga electric car na bagaman magandang alternatibo sa mga sasakyang pinaaandar ng gas ay limitado lang sa mga may kakayahang makabili nito dahil sa kamahalan at wala pang nagagawa nang maramihan nito.
Matagal na ring obserbasyon na ang karaniwang nagagamit na kuryente ay kadalasang dumadaan sa mga kawad na nakasabit sa mga poste sa mga lungsod at bayan at kahit sa mga kaparangan na lantad na lantad sa mga bagyo kaya nga, kapag nadidisgrasya ang mga ito, brownout ang resulta. Isa sa nakikitang alternatibo ay idaan ang mga ito sa ilalim ng lupa tulad ng ginagawa sa ibang bansa. Masyado nga lang masalimuot ang ganitong hakbang.
-oooooo-
E-mail: [email protected]
- Latest