ISANG panahon ng tag-ulan, nawalan ng payong ang isang lalaki. Kaya nang magsimba siya kinalingguhan at malakas ang ulan, wala siyang magamit na payong.
Pagdating niya sa simbahan ay napansin niyang tambak ang payong na nasa entrance ng simbahan. Plano niya magnakaw din ng isang magandang payong paglabas niya para kahit paano ay magkaroon ng kapalit ang payong na nawala sa kanya.
Nagkataon na ang sermon sa misa ay tungkol sa 10 Commandments. Nang matapos ang misa at palabas na ang lalaki ay nakasabay nito sa paglalakad ang pari. Nakipagtsikahan ang lalaki sa pari na dati na niyang kakilala.
“Father, mabuti na lang at hindi ko naituloy ang planong pagnanakaw ng payong paglabas ko ngayon sa simbahan.”
“Ha? Bakit?”
“Nawalan kasi ako ng payong kahapon at plano kong nakawin ang isang payong sa entrance para maging kapalit ng nawala.”
Napatawa ang pari. “Bakit hindi mo itinuloy ang maitim mong plano?”
“Nagbago ang isip ko, Father dahil sa sinabi mo sa sermon.”
“Anong bahagi ng sermon ang nagpabago ng iyong desisyon na huwag nang magnakaw ng payong?”
“Nang banggitin mo po ang commandment na Thou shalt not covet thy neighbor’s wife.”
“Anong kinalaman noon sa payong mong nawawala?”
“Naalaala kong hindi pala ninakaw ang aking payong, kundi naiwan ko sa bahay ng…kuwan…ehem…ng isa kong neighbor. ”