Mayang (27)

“MAGTIWALA ka Jeff. Malulutas ang problema mo—magkikita kayo ni Mayang,’’ sabi ni Mam Araceli nang magpaalam siya.

“Maraming salamat Mam.’’

“Huwag kang susuko!’’

“Opo Mam.’’

Umalis na si Jeff.

Habang naglalakad patungo sa sakayan ng jeepney sa Quezon Blvd. ay magaan ang pakiramdam niya. Dahil marahil sa mga sinabi ni Mam Araceli.

Nakabuti na nailabas niya ang mga laman ng kanyang dibdib at napagpayuhan ng dating guro.

Mahusay magpayo si Mam Araceli na pakiramdam ni Jeff ay tumatagos sa kanyang puso.

Wala siyang narinig na paninisi mula kay Mam Araceli at sa halip ay pinayuhan siyang humingi ng tawad sa mga nagawa kay Mayang at ipangakong hindi na mauulit ang mga nangyari.

Ang nakapagpalakas ng loob ni Jeff ay nang sabihin ni Mam Araceli na posibleng dumalaw muli si Mayang sa bahay ng dating guro.

Kapag nangyari iyon, malaki ang posibilidad na magkita na sila ni Mayang.

LUMIPAS ang isang buwan. Wala pang natatanggap si Jeff na text mula kay Mam Araceli.

Maaring hindi pa dumadalaw si Mayang.

Isang araw, naisipan niyang magtungo sa Avenida.

Naglalakad siya sa kanto ng Recto at Rizal Avenue nang may makita siyang nakatalikod na babae.

Si Mayang?

(Itutuloy)

Show comments