NAGLIPANA na naman ang nakatatawang gimik ng mga kumakandidato sa iba’t ibang posisyon para sa May 12, 2025 elections.
May mga re-electionists na mahirap daw noon hagilapin ng mga senior citizen para mahingan ng gamot at ayuda. Nagkakandarapa naman ngayon sa pamamahagi ng t-shirts pang zumba. Nakikipagsayaw pa kahit kuratsa.
May mga kandidato na naglalatag ng libreng kasal at binyag at sila ang tumatayong ninong o ninang. Madalas na sa covered court ng barangay ito ginaganap at buong kamag-anakan ang dumadalo at nagsasalu-salo.
Papaano naman kung ang tumatayong ninong o ninang na kandidato e hindi kasal sa kinakasama at ang mismong anak pala nila ay anak sa pagkakasala. Aba teka. Oo nga ‘no?
Naghahanda na rin ang mga kandidato ng mga tarpaulins na isasabit nila sa paligid ng sementeryo sa November 1. Wala sanang bagyong dumating dahil baka liparin ang tarpaulin at pumalit sa lapida ng mga nakahimlay. Baka magalit ang ghost voters. Lagot kayo!