‘Tutubi’ (Part 2)

NAHILIG ako sa panghuhuli ng tutubi noong ako ay 9-anyos at nasa Grade 3 sa elementarya sa aming­ probinsiya. Paglabas ng school ay magkakasama kami ng aking mga kaeskuwela na nanghuhuli ng tutubi sa damuhan na pinagpapastulan ng baka at kalabaw. Mas gustong dumapo ng mga tutubi sa pantay tuhod na damo.

Ang mga kaklase ko ay mga malalaking tutubi na tinatawag na balbakwa ang hinuhuli. Pagkatapos huli­hin ay pinakakawalan nila.

Pero ako ay kakaiba, sa halip na balbakwa ang hulihin ko, mga tutubing karayom ang hinuhuli ko at inilalagay sa maliit na garapon na may takip. Mas gusto kong hulihin ang tutubing karayom dahil hindi nangangagat. Ang balbakwa ay nangangagat kapag hinawakan sa buntot.

Mga sampung tutubing karayom ang nahuhuli ko. Mga ilang araw kong pinaglalaruan ang mga iyon at saka pakakawalan. Mayroong namamatay dahil sa pagkakalagay ko sa garapon na may takip. Hindi makahinga.

Isang tanghali, napahiwalay ako sa mga kaklase ko habang nanghahabol ng tutubing karayom.

Nakarating ako sa tabing sapa. Mas marami palang tutubi roon. Nalibang ako sa panghuhuli. (Itutuloy)

Show comments