EDITORYAL - Mahirap imbestigahan ang sarili

NI-REJECT ng Senado ang balak ni Sen. Ronald dela Rosa na magsagawa ng imbestigasyon sa mga nangyaring extrajudicial killings sa war on drugs ni dating President Rodrigo Duterte. Sa halip ang Senate Blue Ribbon Committee ang magsasagawa ng pag-iim­bestiga na pamumunuan ni Sen. Koko Pimentel. Ayon kay Pimentel magsisimula ang pagdinig ngayong linggong ito. Ang kober ng pag-iimbestiga ay mula Hunyo 30, 2016 hanggang Hunyo 30, 2022.

Kung hindi kumilos si Senate President Chiz Escudero, desidido si Dela Rosa na magsagawa ng imbestigasyon sapagkat siya raw naman ang chairman ng Senate public order and dangerous drugs committee. Gagawin daw niya ito kahit maraming kasamahang senador ang bumabatikos sa kanya dahil self serving daw. Maaari umano siyang magpatawag ng motu propio investigation ukol sa drug war ng nakaraang Duterte administration.

Ayon pa kay Dela Rosa, bigyan daw siya ng pagkakataon na maipakita sa publiko na siya ay parehas at walang itinatago. Gusto raw niyang maipakita ang katotohanan. Kung magsasagawa raw siya ng imbestigasyon ay malaki ang posibilidad na dumalo sa pagdinig si dating President Rodrigo Duterte. Mas magi­ging komportable umano si Duterte kaysa sa ginagawa ng House quad committee.

Iimbitahin umano niya ang resource persons ng quad committee na nag-aakusa sa Duterte administration na ginagamit ang war on drugs para makapaghiganti sa mga kalaban sa pulitika at ganundin ang sinasabing reward system sa mga pulis na makapapatay ng drug suspect. Iimbitahin din daw niya ang itinuturong drug lord sa Visayas na si Kerwin Espinosa na nagsabi sa quad committee na iniutos umano niya rito na idawit sa drug trade si dating senador Leila de Lima.

Pero hindi nakapangyari ang gusto ni Dela Rosa na mag-imbestiga dahil ni-reject nga ni Escudero. Tinanggap naman nang maluwag ni Dela Rosa ang pasya at sinabing makikiisa siya sa Blue Ribbon Committee ni Pimentel.

Hindi naman talaga tama ang naisip ni Dela Rosa na siya ang mag-iimbestiga sa war on drugs ni dating President Duterte na kung saan siya ang implementor at may katha ng “Oplan Tokhang”. Tinatayang 6,000 ang mga napatay sa war on drugs na ayon sa mga pulis ay “nanlaban”.

Hindi puwedeng imbestigahan ang sarili. Walang mararating kung ipinagpatuloy ang balak ni Dela Rosa. Magsasayang lamang ng oras sa pagdinig at maaaksaya ang pera ng bayan pero walang mararating. Dapat magkaroon ng delikadesa. Huwag balakin na imbestigahan ang sarili.

Show comments