Lalaki sa Brazil, kinilalang bayani matapos makapagtanim ng mahigit 40,000 na puno!
ISANG lalaki sa Sao Paulo, Brazil ang hinahangaan ng kanyang mga kababayan dahil sa kanyang pagmamahal sa kalikasan matapos itong magtanim mag-isa ng mahigit 40,000 na mga puno!
Si Helio da Silva, isang retiradong negosyante ay nagtanim ng mahigit 40,000 puno sa loob ng dalawang dekada na ngayon ay tinatawag ng Tiquatira Linear Park.
Noong 2003, nagpasya siyang baguhin ang dating napabayaang pampang ng Ilog Tiquatira. Sa loob ng apat na taon, mag-isa siyang nagtanim ng 5,000 puno, na nagbunsod sa munisipalidad na kilalanin ang lugar bilang kauna-unahang linear park sa Sao Paulo.
Patuloy siyang nagtanim ng mga puno, kabilang ang mga fruit bearing trees upang makaakit ng ibon at iba pang mga hayop. Noong 2020, nakapagtanim na siya ng higit 25,000 puno.
Sa kabila ng pagtawag sa kanya noon ng mga kakilala bilang isang “hibang” sa pag-uubos ng oras at pera sa isang lugar na iniiwasan Nang marami, naging inspirasyon ni Da Silva ang mga puno at ang kalikasan. Gumastos siya ng humigit-kumulang $7,000 bawat taon, pero itinuring itong kapaki-pakinabang na puhunan para sa kanyang sarili, pamilya, at sa buong komunidad ng Sao Paulo.
Sa kasalukuyan, itinuturing ang Tiquatira Linear Park bilang pinakapopular na pasyalan sa lungsod. Hanggang sa ngayon ay hindi siya tumigil sa pagtatanim at patuloy siyang nagtutungo sa parke tuwing Linggo upang magtanim pa ng mga puno.
- Latest