EDITORYAL - Isaayos ang PNP

HINDI na lingid sa mamamayan na may mga pulis na naliligaw ng landas. Alam na ito nang nakararami. Bagama’t may mabubuti pa namang miyembro ang Philippine National Police (PNP), mas nakalalamang ang gumagawa ng kasamaan. Maski si President Ferdinand Marcos ay nababahala sa mga nangyayari sa PNP at maski sa PDEA kaya ipinag-utos niya ang pagreporma sa pambansang pulisya. Ayon sa Presidente, maraming pag-abusong ginagawa ang mga pulis. Ang utos ni Marcos na ireporma ang PNP ay kasunod ng mga masasamang natuklasan sa hearing ng House quad committee lalo ang isyu sa war on drugs.

Noon pa, maraming pulis ang nasasangkot sa krimen­ gaya ng pagpatay. Halimbawa rito ay ang pulis na itinuturong “utak” sa pagkawala ng isang beauty queen sa Batangas na hinihinalang patay na. Mahigit isang taon nang nawawala ang beauty queen subalit hindi pa natatagpuan. Inaresto na ang pulis na may ranggong colonel.

Mga pulis din ang suspect sa pagpatay sa isang beauty queen sa Pampanga at boyfriend nitong Israeli. Pagkatapos patayin, inilibing ang dalawa sa isang bakanteng lote. Isinanglang lupa sa mga biktima ang dahilan.

Pulis din ang pumatay sa isang negosyanteng South Korean sa Pampanga sa utos ng kanyang superior. Pinatay ang negosyante sa loob mismo ng Camp Crame at saka ipina-cremate sa isang funeral parlor. Ang abo ay itinapon sa inidoro.

Maraming pulis ang nagre-recycle ng shabu. Kabilang dito ang isang pulis sa PNP-Drug Enforcement Group (PDEG) na nahulihan ng 1-toneladang shabu noong 2022 sa Tondo, Maynila. Nagkakahalaga ang shabu ng P6.7 bilyon.

Kamakailan lang, isiniwalat ni dating police colonel­ at PCSO general manager Royina Garma na isang pulis­ ang pumatay kay Tanauan Mayor Antonio Halili. Kay Garma na rin nanggaling na nakatatanggap ng “pabuya” ang mga pulis kapag nakapatay ng drug suspect. Ayon kay Garma, ang pabuya ay P20,000 hanggang P1-milyon. Ang malaking pabuya na galing umano kay dating­ President Duterte ang itinuturong dahilan kaya lumobo­ ang mga napatay sa drug campaign. Tinatayang 6,000 ang mga drug suspect na napatay.

Maging si Garma at isang kasamahan niyang pulis ay inaakusahan din na utak sa pagpatay sa PCSO board secretary at tatlong Chinese drug suspect sa Davao prison. Ayon sa pulis, si Garma ang nag-provide ng sasakyan, pera at iba pa para mapatay ang PCSO official. Ipinapatay umano ito dahil may nalalaman sa operasyon ng small-town lottery (STL).

Ireporma ang PNP. Matagal na itong hinihintay ng mamamayan. Nagsasawa na ang marami sa mga abusado at mapagmalabis na pulis.

Show comments