SA gaganaping 2025 midterm elections, 156 party-lists group ang pinayagan ng Commission on Elections (Comelec) na makalahok. Inilathala na sa mga pahayagan ang buong listahan ng 156 party-lists. Ayon sa Comelec, nasa kabuuang 196 party-lists ang nagsumite ng nominasyon subalit makaraan ang mahigpit at maingat na pagsala, 156 ang napili.
Sa kabila nito, nanawagan naman si Comelec Chairman George Garcia sa mga mambabatas noong Biyernes na i-overhaul ang party-list system. Ayon kay Garcia, panahon na para, i-ammend, i-update o i-revise ang party-list system. Marami pa umanong dapat isaayos sa party-list system sapagkat marami nang bumabatikos dito. Nasa mga mambabatas nakasalalay ang pagbabago sa party-lists.
Ang Comelec chairman na ang nagsabi na dapat nang i-overhaul ang party-lists. Kung ganun, dapat na talagang kumilos ang mga mambabatas at kung maaari, higit pa sa overhaul ang gawin sa party-lists sapagkat talaga namang inabuso na ito mula pa nang maging batas noong 1995. Kung maari, palitan o buwagin na dahil sa mga ginagawang pag-abuso.
Ang layunin talaga kaya isinabatas ang Republic Act 7491 (Party-list System Act) ay upang magkaroon ng representante ang mga mahihirap, manggagawa, kababaihan, kabataan, katutubo at iba pang nasa marginalized sector. Pero sa kasalukuyan, hindi na ganito ang nangyayari sapagkat pami-pamilya na ang party-lists na ang kapakinabangan para sa sarili ang layunin.
Sinisira ng ilang dinastiyang pulitiko ang party-list system at hindi na makita ang ang tunay na hangarin na kumatawan sa mga mahihirap o kulang palad sa lipunan. Mas ginagamit ang party-list ng mga angkan ng pulitiko para mapalawak ang sakop ng kapangyarihan at lalo pang maging matatag.
Tama si Comelec Chairman Garcia na nasa mga mambabatas ang kinabukasan ng party-lists para magkaroon ng katuparan ang layunin kaya ito isinabatas. Ang problema lamang, ipaprayoridad kaya ng mga mambabatas ang pag-ammend pag-rebisa sa party-lists? Baka maging katulad lang ng anti-dynasty bill na hindi ginagalaw dahil maraming maaapektuhan.
Ganunman, dapat talagang magkaroon ng pagbabago sa party-list system. At magawa sana ito para naman may tunay na representasyon sa Kongreso ang maliliit sa lipunan.