Dear Attorney,
Puwede bang magsampa kaagad ng demanda dahil sa breach of contract?—Zoey
Dear Zoey,
Para makasigurado, padalhan mo muna ng demand letter ang balak mong idemanda para sa breach of contract bago ka magsampa ng kaso. Ayon sa Article 1169 ng Civil Code ay “[t]hose obliged to deliver or to do something incur in delay from the time the obligee judicially or extrajudicially demands from them the fulfillment of their obligation.” Ibig sabihin, hangga’t walang singilang nangyayari, hindi pa masasabing delayed o huli sa pagtupad ng kanyang obligasyon ang isang partido sa kontrata o kasunduan.
Nakasaad din sa Article 1169 na may mga obligasyong hindi na kailangan ang demand o ang singilan, lalo na kung nakasaad na mismo sa batas o sa kontrata na hindi na kailangang singilin ang obligasyon. Hindi mo naman nabanggit kung ganito ba ang naging kasunduan n’yo. Kung hindi, kakailanganin mo talagang magpadala muna ng demand letter bago ka magsampa ng reklamo, dahil baka ibasura lang ng korte ang kaso dulot ng hindi mo pagpapadala ng demand letter.
Mahalaga rin na aspeto kung nakatira ang gusto mong sampahan ng reklamo sa kapareho o sa katabing barangay na tinitirhan mo. Kakailanganin mo kasing dumaan muna sa tinatawag na barangay conciliation bago ka makapagsampa ng kaso sa korte. Katulad ng hindi pagpapadala ng demand letter, maari ring mabasura ang kaso kung sakaling dumiretso ka sa korte ng hindi dumadaan ang reklamo sa inyong barangay.