Abogada sa Brazil, nagpulis para mahuli ang killer ng kanyang ama na 25 taong nagtago sa batas!

ISANG babae sa Brazil ang nagsumikap maging pulis para mahuli ang pumatay sa kanyang ama.

Noong 1999, napatay ang ama ni Gislayne Silva de Deus na si Givaldo, sa isang bar matapos ang pagtatalo tungkol sa utang na nagka­kahalaga ng 150 Brazilian reals. Tumakas ang salarin na si Raimundo Gomes at nagtago na ito at nahirapan na ang mga awtoridad na mahuli ito.

Sa edad na 18, pumasok si Gislayne sa law school at naging abogado matapos ang pitong taon, ngunit ang matagal na hindi paghuli kay Gomes ay nagtulak sa kanya na iwan ang kanyang law career noong 2022 upang maging pulis.

Noong Hulyo 2024, matagumpay siyang pumasa sa pagsusulit para maging imbestigador sa State Police, at agad siyang humingi ng posisyon sa Homicide Division upang tuparin ang kanyang misyon na mahuli ang killer na si Gomes.

Hindi nabigo si Gislayne at sa marubdob niyang pagsisikap, natunton niya noong Setyembre 2024 ang killer na si Gomes. Hindi nakapalag si Gomes nang arestuhin ni Gislayne.

Ang pagkaaresto ang nagbigay ng kapayapaan, katiwasayan at hustisya sa pamilya ni Gislayne makaraan ang 25 taon.

 

Show comments