MALAKI ang nalulugi sa pamahalaan ng mga hindi rehistradong vape products. Hindi nagbabayad ng kaukulang tax ang mga reseller at retailer ng mga illegal vape products. Paano magbabayad ay hindi naman rehistrado ang mga ito. Kaya ang nangyayari, ang mga produkto na ibinebenta sa vape shops ay mga illegal. Kumikita ang mga may vape shops pero ang pamahalaan ay hindi. Lantarang niloloko ang pamahalaan. Kaya ang panawagan ni BIR Commissioner Romeo Lumagui Jr., irehistro ang vape products at magbayad ng tax.
Ayon pa kay Lumagui, ang hindi pagrerehistro ng vape products ang lalong nag-uuduyok sa smugglers na magpasok ng illegal vape products. Kung walang reseller hindi umano magkakalakas ng loob ang vape smugglers. Sa kasalukuyan, talamak daw ang smuggling ng vape products kaya minomonitor ito ng BIR. Nagsasagawa umano sila ng pagsalakay sa mga smuggled vape products.
Mula nang maging batas ang Republic Act 11900 (Vaporized Nicotine and Non-Nicotine Products Regulation Act), napakarami nang naging problema. Ngayon ay itong hindi pagbabayad ng tax ng mga di-rehistradong vape products. Lantaran ang pandaraya sa pamahalaan.
Noong nakaraang Hulyo, inireklamo ng health advocates at mga magulang sa Department of Trade and Industry (DTI) ang talamak na bentahan ng vape products online. Matagal bago umaksiyon ang DTI sa reklamo. Ayon sa health advocates at iba pang tumututol sa e-cigarette o vape, ang maluwag na bentahan ng vape products online ay lalong magdudulot ng seryosong problema sa kalusugan ng kabataan. Karamihan sa mga umu-order ng vape products ay kabataan. Umaksiyon naman ang DTI kinalaunan. Ang hindi sigurado ay kung namo-monitor ng DTI kung tuluyan nang nahinto ang online selling ng vape products.
Dapat kasi, hindi na naging batas ang Vape Law. Hinayaan kasi ng kasalukuyang administrasyon sa kabila na may masamang epekto sa kalusugan ang paggamit ng vape. Sabi ng Department of Health (DOH) ang vape ay may nicotine, propylene glycol, carbonyls at carbon monoxide na lubhang mapanganib sa lungs. Sa isang pag-aaral, hindi lamang lungs ang naaapektuhan ng pagvi-vape kundi pati na rin ang puso. Ayon sa DOH, posibleng atakehin sa puso ang gumagamit ng vape. May isa nang insidente kung saan, isang 22-anyos na lalaki ang namatay noong nakaraang taon nang atakehin sa puso dahil sa paggamit ng vape. Ito umano ito ang kauna-unahang kaso ng pagkamatay kaugnay sa paggamit ng vape.
Perwisyo na sa kalusugan ang vape ay dinadaya pa ang pamahalaan dahil sa hindi pagbabayad ng buwis. Mas maganda ay kung gagawa ng batas na tuluyang magbabawal sa paggamit ng vape. Para ano pa at hahayaan ito?