Mayang (21)

NAGTUTURO sa isang elementary school si Mrs. Araceli. Nabanggit sa kanya ni Mayang noon na si Mrs. Araceli ang tanging guro na nakagaanan niya ng loob. Mabait ito at mahusay magturo. Sabi pa ni Mayang, si Mrs. Araceli ang nagsabi na huwag titigil na sumubok para makamit ang tagumpay. Kapag tumigil daw sa pagsubok, walang mararating sa buhay.

Ayon kay Mayang ang mga sinabing iyon ni Mrs. Araceli ang naging daan para siya magsikap sa buhay. Nag-aral at nagpursigi para makapagtrabaho sa Dubai, Marami pa raw ipinayo si Mrs. Araceli kay Mayang.

Hinanap ni Jeff sa FB kung saan ang address ng eskuwelahan na pinagtuturuan ni Mrs. Araceli. Nakita niya. Nasa isang barangay iyon na malapit lang din sa tinitirahang barangay ni Mayang noon.

Kinabukasan, maagang gumising si Jeff—alas dos ng madaling araw. Pupuntahan niya ang school na pinagtuturuan ni Mrs. Araceli.

Walong oras ang ­biyahe sa bus kaya kailangang maaga siyang makaalis. Dapat makarating siya ng alas nuwebe o alas diyes ng umaga.

Tamang-tama, paalis na ang bus nang dumating siya sa terminal.

Makaraan ang walong oras, narating niya ang lugar. Mula sa highway naglakad siya ng sampung minuto at narating niya ang Daan Elementary School.

Nagtungo siya sa principal’s office.

“Magandang umaga po. Narito po ba si Mrs. Araceli?”

Nagtaka ang babaing pinagtanungan niya.

(Itutuloy)

Show comments