Nadiskubre ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) sa Paracale, Camarines Norte noong Oktubre 13 ang illegal mining na inooperate ng mga Chinese. Ang kakatwa, ang mga Chinese na nagmimina ay mga turista lamang sa bansa. Kasama ng PAOCC ang Bureau of Immigration at local police nang salakayin ang mineral processing plant sa Bgy. Tugos. Labing-isang Chinese ang kanilang naaresto. May mga natagpuang gamit sa pagmimina at ayon sa PAOCC, nagmimina ng uranium ang mga Chinese.
Ang labis na nakapagtataka rito ay kung paano naisyuhan ng environmental compliance certificate (EEC) ang mga Chinese para magsagawa ng illegal mining sa isang pribado at bulubunduking lugar. Paano nakalusot sa mayor ng Paracale ang isinasagawang pagmimina ng uranium? Ayon pa sa report ang 11 Chinese ay walang legal paper para magsagawa ng pagmimina. Sinabi pa ng mga awtoridad na ang estilo ng pagmimina ng mga Chinese ay open-pit mining. Ibig sabihin, magbubutas sila nang magbubutas sa bundok para maghanap ng uranium at iba pang mineral.
At kung hindi nadiskubre ng PAOCC ang illegal mining activities ng 11 Chinese, wala ring kaalam-alam ang Department of Environment and Natural Resources (DENR). Kumilos lamang ang DENR makaraang maaresto ng PAOCC ang mga Chinese. Saka lamang nagbanta ang DENR na magsasampa ng kaso laban sa illegal miners. Mahina rin ba ang intelligence gathering ng DENR at nakalulusot sa kanila ang illegal miners? Paano kung wala ang PAOCC? Tiyak na magtutuluy-tuloy ang pagmimina ng mga Chinese at nasa panganib na naman ang pagkasira ng kalikasan. Sisirain na naman ang mga bundok.
Illegal mining ang dahilan kaya nawawasak ang mga bundok. Nagkakaroon ng landslide at inililibing nang buhay ang mga naninirahan sa paanan ng bundok. Dahil sa pagmimina na ang estilo ay open-pit, humihina ang bundok at naguguho.
Noong Enero 18, 2024, nagkaroon ng landslides sa Mt. Diwata, Monkayo, Davao de Oro na ikinamatay ng 15 katao kabilang ang anim na bata. Ang mga bundok sa nasabing lugar na tinatawag na Diwalwal ay pinagmiminahan ng ginto.
Inalis ng DENR ang pagbabawal sa open-pit mining noong 2021 makaraang ipagbawal ni dating DENR Sec. Gina Lopez noong 2017. Ang muling pagpayag ng DENR para sa open-pit mining ang dahilan kaya marami na namang mining company ang nagsasagawa nito.
Kulang ang DENR sa “kamay na baka”. Dahil sa kakulangan, natakawan ang mga Chinese at pagmimina naman ang inaatupag sa bansa. Pagkatapos nilang salaulain ang Pilipinas sa pamamagitan ng POGO, ang kapaligiran naman ng Pilipinas ang wawasakin at papatayin ang mga Pilipino.