Plano ng China sa buwan at Mars

Nagkaroon ng yugto sa kasaysayan ng daigdig noong araw na naging malakas na katunggali ng United States ang Russia (na mas kilala pa noon bilang Union of Soviet ­Socialist Republics) sa mga space exploration. Bagaman ang mga Amerikano ang unang taong nakatapak sa kalupaan ng buwan, ang mga Ruso ang unang nakarating doon sa pamamagitan ng isa nitong robotic spacecraft. Pero nanamlay kinalaunan ang Russia sa space exploration lalo na nang mabuwag ang USSR,  at ngayon, lumalabas na katunggali ngayon ng U.S. ang China sa mga misyong may kinalaman sa kalawakan.

Nagawa na ngayon ng China na makapagpadala ng spacecraft sa buwan at makapaglunsad ng sarili nitong space station sa labas ng daigdig. Naghahanda na rin ang China na makapagpadala ng sarili niyang mga astronaut at magtayo ng base sa buwan at maglunsad ng mga misyon at pag-aaral sa planetang Mars at Jupiter at sa mga asteroid.

Meron na rin namang mga space exploration ang ibang mga bansa tulad ng Japan, India, Europe, United Kingdom, at Canada bukod sa mga space agencies at pribadong mga ­kompanyang nagnenegosyo sa space exploration pero mas napapabalita ang mga ikinikilos ng China sa larangang ito.

Tila naman totoong hindi magagawa ng China nang mag-isa ang mga ganitong space exploration lalo na ang mahihirap na misyon sa buwan at Mars dahil hinihingi rin niya ang pakiki­pagtulungan ng ibang mga bansa. Tulad ng U.S. na hiningi rin ang tulong ng ibang mga bansa sa ilalim ng Artemis program nito para muling makabalik at makapagtayo ng permanenteng  base ng mga tao sa buwan.

Parang nakakapanibago at lumilikha ng samu’t saring reserbasyon ang mga nakagigilalas na aktibidad ng China sa kalawakan. Minsan nga nang-intriga ang isang mataas na opisyal ng National Aeronatics and Space Administration na binabalak umano ng China na sakupin ang buwan pero hindi na nasundan ito na maaaring dahil wala namang pruweba.

Marami rin naman kasing malilikhang katanungan dito. Ano ang iniisip at binabalak ng China kapag nagawa na nitong makapagtayo ng sarili nitong base sa buwan o maging sa Mars pero puwede rin itong itanong sa U.S. na meron ding ganitong mga hakbangin. Susunod kaya sila sa isang lumang pandaigdigang tratado na walang sino mang bansa sa mundo ang maaaring umangkin at magmay-ari sa mga planeta at ibang bagay sa kalawakan?

Magiging miron na lang ba dito ang mga maliliit na bansang walang kakayahang makagawa ng mga sarili nilang space exploration? Hindi rin maiiwasang magduda dahil parehong meron ding pangit na kasaysayan ang U.S. at China sa pananakop ng ibang mga teritoryo. Hindi maiwasang mabanggit at maalala ang West Philippine Sea na inaangkin ng China.

Gayunman, puwede bang masabing pambalanse ang China sa usapin ng space exploration na tila napapangibabawan ng U.S.?  Pero kapansin-pansin na mistulang ginagaya ng China ang U.S. sa mga misyon nito  sa buwan, Mars at Jupiter. Sa sobrang lawak ng kalawakan, bakit hindi naman subukan ng China ang mga planetang hindi pa nararating ng anumang spacecraft ng tao o ng mga astronaut?

Napakarami ng mga planeta sa mas malalayong bahagi ng kalawakan na nasisilip ng mga makabagong telescope at merong mga planetang kinakikitaan ng mga katangian ng tulad sa daigdig na maaaring may buhay o hinihinalang maaaring mabuhay dito ang tao.

Nakapagtatakang nagsusumiksik ang China sa buwan at Mars na matagal na rin namang napapag-aralan ng mga dalubhasa ng ibang mga bansang may space program.

-oooooo-

Email: rmb2012x@gmail.com

Show comments