EDITORYAL - Agri smugglers sampolan na

MARAMING nag-akala na sa paglagda ni President Ferdinand Marcos Jr. ng Anti-Agricultural Economic Sabotage Act noong Setyembre 26, 2024, ay mahihinto na ang talamak na agricultural smuggling. Pero kabaliktaran ang nangyari sapagkat lalo pang naging mabangis ang agri smugglers lalo na ang mga nagpupuslit ng sibuyas. Sa Anti-smuggling Act, habambuhay na pagkakulong at multang limang ulit ang halaga sa inismagel na produkto ang magiging kaparusahan.

Sa agri smuggling, inaagawan ng ikinabubuhay ang mga lokal na magsasaka at malaki ang nawawalang pera sa kaban ng pamahalan. Marami rin namang ganid na negosyante na hino-hoard ang sibuyas dahilan para tumaas ang presyo nito. Noong 2022, umabot sa P700 per kilo ng sibuyas at wala pang mabili sa mga palengke.

Ngayong papalapit na ang Christmas season, tiyak na dadagsa ang smuggled na gulay, frozen meat at iba pa. Noong Martes, nakumpiska ng Department of Agriculture at Bureau of Customs ang P3.5 milyong halaga ng sibuyas sa Manila South Harbor. Galing China ang sibuyas.

Noong nakaraang buwan, nakasamsam din ang DA at BOC ng 300 tonelada ng smuggled na gulay nang salakayin ang dalawang malalaking bodega sa Navotas City. Ang isa sa mga bodega ay naglalaman ng 132.75 tonelada ng puting sibuyas na nagkakahalaga ng P21.2 milyon samantalang ang isa pang bodega ay may laman na 89.89 tonelada ng carrots na nagkakahalaga ng P13.48 milyon.

Maraming beses nang nagbabala si President Marcos sa agri smugglers at hoarders na tutugisin ang mga ito at pagbabayaran nang mahal ang ginagawang kabuktutan. Sinasabotahe ng smugglers ang ekonomiya ng bansa at nagpapahirap sa mga lokal na magsasaka ng gulay.

Sampolan ang agri smugglers para maniwala ang mamamayan. Hangga’t walang napaparusahan, ang kampanya laban sa mga ito ay walang silbi. Hangga’t walang naipakukulong, lalong darami ang smugglers at patuloy na paglalaruan ang pamahalaan.

Show comments