EDITORYAL - Dapat ikanta nang lahat ni Garma

MARAMING nagulat sa mga ibinunyag ni dating­ police colonel at PCSO general manager Royina Garma sa pagdinig ng House quad committee noong Biyernes. Isang nakasulat na salaysay ang binasa niya at habang binabasa ay umiiyak siya. Sa pagitan ng paghikbi ay sinabi niyang si dating President Rodrigo Duterte ang nasa likod ng extrajudicial killings (EJKs) at may pakana ng reward system sa mga pulis na pattern sa Davao style.

Sinabi ni Garma, na ipinatawag siya ni Duterte sa bahay nito noong 2016 at nagpapahanap ng isang police official na mangangasiwa sa war on drugs. Inirekomenda umano niya si police Col. Edilberto Leonardo, upperclassman niya sa PNPA at naka-assign noon sa Criminal Investigation and Detection Group (CIDG). Ayon kay Garma, si Leonardo ang bumuo ng specialized task force matapos makipagpulong kay Duterte.

Ayon kay Garma, agad ipinatupad ng grupo ni Leonardo ang plano. Ang pondo para sa reward system ay idinadaan sa bank accounts ng isang nag­ngangalang Peter Parungo. Si Leonardo rin daw ang nagre-report ng lahat ng namatay mula sa police operations para maisali sa lingguhang reports. Taha­sang sinabi ni Garma na si Leonardo ang tumutukoy sa drug personalities na isasama sa listahan ng sangkot sa illegal drugs. Si Leonardo rin daw ang nagpapasya kung sino ang tatanggalin o aalisin sa drugs lists.

Nang tanungin si Garma kung bakit niya naisipang isiwalat ang kanyang nalalaman, sinabi niya na matagal umano niya itong pinag-isipan. Gusto na rin daw niyang mangibabaw ang katotohanan sa madugong giyera sa droga. Para rin daw iyon sa kabutihan ng mga anak. Sinabi rin ni Garma sa pagdinig na ang lahat ng pulis na dumalo sa pagdinig ay may kasalanan.

Sabi ng isang mambabatas, “tip of the iceberg” lamang ang sinabi ni Garma. Ibig sabihin, marami pa itong nalalaman ukol sa madugong giyera sa droga at maaring sa iba pang mahahalagang pangyayari habang si Duterte ang nanunungkulan.

Kung gustong mangibabaw ni Garma ang katotohanan, ikanta na niya lahat ang nalalaman. Nasimulan na rin lamang niyang ilahad ang mga nangyari, mas mabuting sabihin na niya lahat. Itodo na niya at huwag nang itago pa.

Ang kanyang mga nalalaman ay makatutulong para makakamit ng hustisya ang mga biktima ng EJKs. Sinabi na niya ang “utak” at madali na itong mahahalukay.

Show comments