NAIINIP ang goldfish sa loob ng aquarium kaya lumundag siya para makalabas at maranasang langhapin ang hangin na walang tubig. Paglagpak niya sa sahig, nagsimula siyang suminghap-singhap hanggang sa namatay ito.
• • • • • •
Pinalaya ng babae ang kanyang alagang ibon mula sa kulungan nito. Lumipad palabas ng bahay ang ibon hanggang sa makarating sa himpapawid. Namataan siya ng malaking lawin at sa isang iglap ay inalmusal ang pinalayang ibon.
• • • • • •
Nakaalpas mula sa kanyang pagkakatali si Brownie, ang una at huling aso na aming inalagaan noon sa probinsiya. Nakaabot ito sa kung saan-saang lugar hanggang sa maispatan siya ng mga lasenggo. Sa isang iglap, naging pulutan si Brownie.
• • • • • •
Pure white na may blue eyes ang aming pusa na si Snow kaya inilagay namin sa cage para hindi makalabas at gumala sa loob ng bakuran ng mga kapitbahay. Ilang pusa na namin ang basta na lang manghihina tapos matatagpuan na lang naming malamig na bangkay. Hinala naming, nilalason ang mga ito dahil nabubuwisit sa pagtae ng mga ito sa kanilang plant boxes at sa loob ng kanilang bakuran.
May mga araw na pinalalabas namin si Snow sa kanyang kulungan para makapaglakad-lakad sa loob ng bakuran. Isang araw ay nakalabas ito ng gate at tatlong araw na nawala. Bigla itong bumalik at nahiga sa tabi ng halaman at ‘yun na, natulog at hindi na nagising. Namatay itong nakanganga at bumubula ang bibig.