PATULOY na umuunlad ang Artificial Intelligence (AI) na napakalawak ng kahulugan, pinaggagamitan, abilidad, porma, anyo, istruktura, mekanismo, at iba pa. Karaniwan itong mga sistema ng mga computer o robot na kalimitan ding kumikilos sa tulong ng internet.
Ginagamitan ng AI ang mga tinatawag na chatbot, mga apps sa smartphone, streaming services tulad ng Netflix, YouTube at Spotify, browsers, search engine, smart products, mga robot na kagamitan sa bahay, online banking, online shopping, payment centers o payment apps, GPS, weather forecasting, ATM machine, digital assistance, at social media.
Halos lahat ng larangan ay gumagamit ng AI tulad ng sa edukasyon, negosyo, kalakalan, trabaho, medisina, siyensiya, pananaliksik, libangan, sining, transportasyon, industriya, seguridad, komunikasyon, kultura at pulitika. Gumagamit nito ang mga opisina ng gobyerno at ng mga pribadong kumpanya.
Pero, tulad ng ibang bagay, meron ding mga negatibong aspeto ang AI. Kung nagagamit ito sa kabutihan, meron ding gumagamit nito sa kasamaan o panloloko. Kaya nga madalas ang paalala ng ilang mga eksperto sa pag-iingat sa paggamit ng AI. Meron ding mga pagkabahala sa ganitong teknolohiya.
Meron ngang isang kontrobersiyal na AI o programa sa computer o Apps na tulad ng chatbot na itsurang tao, nagsasalita, gumagalaw at nag-iisip ng tulad ng sa tao at animo’y tao na maaaring makausap ng tunay na tao. May mga tao na nahuhumaling sa pakikipagrelasyon sa ganitong AI lalo na kung mapag-isa siya sa buhay, walang makasama o makasundong ibang kapwa tao.
Halos nawawala sa isip nila na isa lang computer program ang kanilang kaharap. Pinagnenegosyohan naman ito ng mga gumagawa ng ganitong AI dahil merong tumatangkilik. Maraming argumento o debate rito at hindi malaman kung dapat hayaan itong magpatuloy o pagbawalan.
Kamakailan, nagbabala ang Department of Information and Communications Technology (DICT) sa publiko sa pagkalat ng mga litrato, video, at boses na ginagamitan ng AI. kaugnay sa darating na halalan. Namonitor ng DICT ang pagdami ng mga AI content na nagpapakalat ng mga kasinungalingan at maling impormasyon na darami pa habang papalapit ang eleksyon.
Sinabi ng DICT na isa sa klase ng AI-generated content na maaaring magpakalat ng maling impormasyon ang paggamit ng mga pinekeng video at audio ng mga totoong personalidad. Tinatawag itong deepfakes.
Merong nagpost sa social media ng isang video clip na hango sa isang teleserye na hindi agad mapapansin ng mga hindi nakakapanood ng palabas na ito sa telebisyon. Ipinalit sa mukha ng isa sa gumaganap na artista ang mukha at boses ng isang kilalang atletang pulitiko. Pero mahahalata namang peke ang video kung susuriing mabuti kahit hindi regular na nanonood ng naturang teleserye.
Ilang buwan na ang nakararaan, inireklamo ng Hollywood actress na si Scarlett Johansson ang isang kompanya na gumamit ng kanyang boses sa isa nitong AI program.
Sana nga lang nauunawaan ng ordinaryo at masang Pinoy ang AI para makagawa sila ng kaukulang mga pag-iingat dito.
-oooooo-
Email: rmb2012x@gmail.com