Mayang (12)

HABANG naglalakbay ang bus pabalik sa Maynila, si Mayang ang iniisip ni Jeff. Nasaan na kaya si Mayang? Ano na ang nangyari sa kanya?

At hindi maiwasang sisihin ni Jeff ang sarili kung bakit sila nagkahiwalay ni Mayang. Nagkulang siya. Mas inuna niya ang pagkakaroon nang magandang trabaho sa New Zealand at hindi na inalam ang kalaga­yan ni Mayang. Mas naging prayoridad niya ang pagkakaroon nang maraming pera. Hindi siya umuwi sa loob ng pitong taon at hindi gumawa ng paraan para magkaroon ng komunikasyon kay Mayang. Siya ang dapat sisihin sa nangyari.

Ilang beses napabuntunghininga si Jeff. Kasalanan niya ang lahat. Pinakawalan niya ang isang babaing karapat-dapat mahalin.

Naalala ni Jeff ang unang pagkikilala nila ni Mayang sa Dubai. Nagkakilala sila sa isang pagtitipon ng mga Pinoy. Naakit agad siya kay Mayang. At pakiramdam ni Jeff ay may pagtingin din sa kanya si Mayang.

Sumunod na magkita sila ay nagtapat na siya ng pag-ibig sa dalaga. Akala niya ay magagalit si Mayang sa ginawa niya pero hindi. Mahal din siya ni Mayang. Naging magkasintahan sila. Mahal nila ang isa’t isa.

Pangako niya kay Mayang na ito lamang ang babaing mamahalin. Pakakasalan niya ito at magsasama sila habambuhay.

Napaiyak pa si Mayang sa mga pangako niya.

Lalo silang nagmahalan. Nagsikap pa si Jeffrey na kumita nang malaki para mapaghandaan ang kasal nila.

Kapag namamasyal at kumakain sila sa labas ni Mayang, lagi niyang inuulit dito ang pangako na ito lamang ang mamahalin at hindi kailanman iiwan.

Pero hindi natupad ang pangako niya at bagkus—iniwan pa nga niya!

Napabuntunghininga muli si Jeff.

(Itutuloy)

Show comments