LAYUNIN sa pagsasabatas ng Republic Act 7491 (Party-list System Act) noong 1995 na magkaroon ng kinatawan ang mga mahihirap, manggagawa, kababaihan, kabataan, katutubo at iba pang kabilang sa marginalized sector. Pero malaking kabiguan sa mga nagpasa ng batas na ito ang nangyayari ngayong pag-abuso at pagbalahura nang maraming sector. Naglutangan ngayon ang maraming party-list na ang sariling kapakinabangan ang inaatupag.
Ang nangyayaring pang-aabuso sa party-list system ay hayagang binatikos ni Senate Minority Leader Koko Pimentel III na nagsabing sinisira ng ilang dinastiyang pulitiko ang party-list system. Nawawala na aniya ang tunay na hangarin na kumatawan sa marginalize na sektor ng lipunan. Ayon sa senador, ginagamit ang party-list ng ilang political clan para palawakin ang kanilang kapangyarihan.
Sa nangyayaring ito, nais ni Pimentel na ireporma ang party-list system. Pero para mareporma, dapat ding baguhin o i-ammend ang 1987 Constitution. Ito raw ang tanging paraan para mawala ang pang-aabuso ng political family sa party-list system. Kung hindi marereporma, magpapatuloy daw ang pang-aabuso sa party-list, sabi ng senador.
Marami pang dapat gawin sa suhestiyon ni Pimentel. Bakit hindi na lang tuluyang buwagin ang party-list system. Ibasura na ito. Hindi na dapat pang mamayani sapagkat ginagamit lang ng mga pulitiko para palawakin ang kanilang kapangyarihan.
Tiyak na tututol ang mga nakaupong party-list representatives na ibasura ang kinatatayuang posisyon. Parang nahahalintulad din ito sa anti-dynasty bill na hindi umuusad sapagkat maaapektuhan ang mga mambabatas mismo. Maari ba nilang patayin ang pinagkukunan nila ng pakinabang?
Sa 2025 midterm elections, umaabot na sa 70 party-list groups ang naghain para makaupo sa House of Representatives. Napakaraming nais maging kinatawan sa kongreso. Ang malaking tanong ay kung tunay ba silang kumakatawan sa mahihirap o marginalized sector o nais lang nilang palawakin ang pulitika ng kanilang pamilya?
Sinabi ng Commission on Election (Comelec) na nagtatrabaho sila nang walang tigil para masala nang husto ang mga naghain ng COC. Salain din sana ang party-list para hindi masira ang nilalayon sa pagkakasabatas nito. Silipin kung talaga bang nagrerepresenta sila ng mga mahihirap sa lipunan.