KAWAWANG mga OFWs sa Lebanon na ngayon lang inaasikasong ilikas ng pamahalaan. Tinatayang 11,000 ang OFWs sa Lebanon na karamihan ay domestic helpers. Noong isang araw, sa ginanap na news forum sa Quezon City, walang balak ang gobyerno na itaas ang alert status sa Lebanon. Ito ay sa kabila na nagsasagawa na ng pambobomba o air strike ang Israel sa pinagkukutaan ng Hezbollah sa Southern Lebanon. Nagsagawa na rin ng ground operations ang Israel. Noong Oktubre 7, anibersaryo ng pagsalakay ng Hamas sa Israel, nagpakawala ng rocket ang Hezbollah bilang pakikisimpatya sa Hamas. Kamakailan din lang, 300 rockets ang pinakawalan ng Iran sa Israel dahil sa ginawang pagpatay sa lider ng Hezbollah. Ang Iran ay sumusuporta sa Hezbollah at Hamas sa Gaza. Hindi naman gumanti ang Israel sa pambobomba ng Iran pero nagbanta na pagsisisihan ng Iran ang ginawa. Isang Israeli soldier ang napatay sa missile attack ng Iran.
Nang magsasagawa nang matinding air strike ang Israel sa Lebanon noong isang araw, naalarma na ang maraming bansa at agad na inilikas ang kanilang mga kababayan sa Lebanon. Maraming foreign nationals sa Lebanon. Mayroon na silang plano kung paano ililikas ang kanilang kababayan.
Sa mga Pilipinong workers? Waley pa. Wala ring plano kung paano aalisin sa dinudurog na Lebanon ang mga kawawang OFWs.
Noong Miyerkules, habang nasa pagdalo sa Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) Summit sa Laos si President Ferdinand Marcos, ipinag-utos niya ang agarang paglilikas sa mga Pilipino sa Lebanon. Ilikas daw ang mga Pilipino sa anumang paraan. “We are now going to evacuate our people by whatever means – by air, or by sea,” sabi ni Marcos sa kanyang Gabinete sa virtual conference.
Sabi pa ng Presidente gumawa ng preparasyon. Kung may barko raw na kukunin na malapit na sa Beirut gawin para mailabas na kaagad ang mga kababayan. Hindi raw sila dapat naghihintay nang matagal.
Marami na sa mga foreign nationals ang nakalabas sa Lebanon. Pero ang mga OFWs ay naroroon pa. Sabi ng DMW may mga ayaw umalis at gustong manatili roon sa kabila ng giyera.
Pero sabi ng mga OFWs na nasa Lebanon, wala raw dumarating na tulong mula sa pamahalaan.
Kawawang OFWs! Kung kailan nagliliparan ang rocket saka kumikilos!