(Part 1)
KAPAG nakakakita ako ng pako sa aking dinaraanan, pinupulot ko. Kahit kinakalawang na pako ay pinupulot ko. Mula nang magtungo ako sa Maynila noong 1978, sinimulan ko ang pamumulot ng pako. Natigil lamang ako sa pamumulot ng pako noong 1980 na nagkaroon ako ng trabaho at naging maayos ang buhay.
Malaki ang kaugnayan ng pako sa aking buhay. Ulila akong lubos kaya maaga akong napasabak sa hirap ng buhay. Dahil wala na akong ama at ina, kinupkop ako ng aking tiyahin. Pero dahil hirap din ang kanyang buhay at maraming anak, hindi ako tumagal. Naghanap ako ng sariling buhay at tumayo sa sariling paa.
Pumasok akong helper sa isang hardware store sa isang bayan sa probinsiya namin. Ang trabaho ko ay mag-ayos ng mga pako sa lalagyan. Ang mga pako ay inilalagay ko sa kani-kanilang lalagyan para kung may bibili ay dadampot na lamang.
Pero malupit ang Intsik na may-ari. Kapag nagkamali ay minumura at sinasaktan ako.
(Itutuloy)