Lalaki, kumain ng dalawang bote ng hot sauce para sa Guinness Record!

ISANG Youtuber mula sa Canada ang nakapagtala ng world record matapos niyang maubos ang dalawang bote ng Sriracha hot sauce sa loob ng ilang minuto!

Kinumpirma ng records keeping organization na Guinness World Records na si Mike Jack ang pinakabagong record holder ng titulong “Most Hot Sauce Eaten in Three Minutes” matapos siyang makaubos ng 1.12 kilograms ng Sriracha hot sauce sa loob ng tatlong minuto.

Si Jack ay isang speed eater at pakay niyang ma-break ang lahat ng world record na may kinalaman sa pabilisang kumain.

Naganap ang record breaking attempt ni Jack sa Headquarters ng Guinness World Records sa London. Ginawa niya ito matapos niyang masungkit ang world record title sa pabilisang uminom ng juice gamit ang paper straw.

Ayon kay Jack, maraming kakilala ang nag-aalala sa ­kanya kung paano siya makaka-survive sa banyo pagkatapos ng record attempt niya na ito. Pero sinabihan niya ang mga ito na huwag mag-alala dahil “super power” niya ang hindi makaranas ng pagsakit ng tiyan kahit kumain nang maraming maanghang na pagkain.

Show comments