UMULAN nang malakas at inabot ng alas singko ng hapon bago nakauwi sina Tatay at Inay dahil sa pag-aayos ng mga papeles para sa nalalapit nilang pagpapakasal.
Bago sila makarating sa baryo ay kailangan nilang dumaan sa isang ilog. Kinabahan daw si Inay nang makita ang madilaw na tubig ng ilog. Pinayo niya kay tatay na huwag na silang tumawid at makitulog na lamang sa mga pinsan niya sa bayan. Pero sabi ni Tatay, hindi pa malaki ang tubig sa ilog at kaya pang tawiran. Natatakot daw si Nanay dahil bakit ganun kadilaw ang tubig na parang may nawasak na bundok dahil sa malakas na ulan.
Sabi ni Tatay natural ang ganung kulay ng tubig sa ilog, dahil galing sa bundok ang tubig. Humahalo sa tubig ang lupa mula sa bundok.
Ikinatwiran ni Tatay na kailangang makauwi sila sapagkat masama sa mga malapit nang ikasal na tulad nila matulog sa ibang bahay na magkasama. Isa pa raw, ano ang sasabihin ng mga magulang ni Inay kung malalaman na sa ibang bahay sila natulog. Kaya kailangan silang makauwi.
Kaya lakas-loob silang tumawid sa ilog. Akay daw ni Tatay si Inay.
Hanggang baywang nila ang tubig. Kaya pa nila dahil hindi naman malakas ang agos.
Pero pagdating nila sa gitna, biglang lumakas ang agos. Natangay sila. Hindi naman inaalis ni Tatay ang pagkakahawak sa kamay ni Inay. Mahigpit ang hawak niya kay Inay at kahit anong mangyari ay hindi niya ito bibitiwan.
Hanggang matangay sila sa malalim na bahagi ng ilog—lampas tao. Lumubog-lumitaw si Inay dahil hindi ito marunong lumangoy. Si Tatay ay marunong lumangoy kaya nakakapagpalutang siya. Sa kabila niyon, hindi niya binibitawan si Inay. Sa halip na sa kamay niya ito hawakan, ang laylayan ng bestida ang hinagilap niya. Dahil mahaba ang bestida, mabilis niyang nahagilap. Sabi raw ni Tatay kay Inay, huwag nitong ilalaban ang katawan, isunod lang kapag hinihila niya.
Pero dahil hindi nga marunong lumangoy si Inay, naging magalaw ito at nabitawan ni Tatay. Hinabol ni Tatay si Inay na lumubog-lumitaw sa tubig. Pero hindi hinihiwalayan ni Tatay ng tingin. Dasal nang dasal si Tatay na makaligtas sila.
Hanggang isang inaanod na puno ang biglang nakita ni Tatay. Nilangoy niya ang puno.
(Itutuloy)