Mayang (7)

“Ang totoo ay wala naman akong relasyon sa pamilya ni Mayang. Dati akong nakatira sa may paanan ng bundok at nakikisaka lamang. Hanggang sa makilala ko ang tatay ni Mayang at pinakiusapan na kung maari ay ako na muna ang manirahan dito sa kubo at magbukid. May taniman sila ng mais sa bundok at mayroon ding niyugan. Pumayag naman ako dahil nga wala akong sariling lupa na sinasaka,’’ sabi ni Lolo Nado.

“Wala ka pong nalalaman sa pamilya ni Mayang?’’

“Wala talaga dahil ako nga ay nakatira sa may bundok.’’

“Nasaan po ang tatay at nanay ni Mayang. Dati po kasi nang magtungo ako rito e buhay pa ang nanay at tatay ni Mayang.”

“Namatay na sila pareho. Nangyari iyon siguro ay mga isang buwan bago ako alukin na ako muna ang maging caretaker dito. Magkasunod na namatay ang mag-asawa. Pulmonya yata ang dahilan.”

“Kung ganun po, nag-iisa na lang si Mayang?’’

“Hindi ako sigurado dahil isang beses ko lang nakita si Mayang. Kahit minsan kasi ay hindi naman ako madalas magtungo rito. Ang tatay niya ang madalas dumalaw sa akin sa bundok.’’

“Kaya po wala kang alam kay Mayang.”

“Wala gaano. Ang kuwento sa akin ng tatay niya ay nagtatrabaho raw sa ibang bansa si Mayang.’’

“Oo nga po. Magkasama kami dati.’’

“Ganun ba?’’

“Opo.’’

Napabuntunghininga si Jeff.

“Pero wala ka po talagang alam kung nasaan si Mayang?’’

“Wala talaga.’’

Napatungo si Jeff.

“Pero hayaan mo at magtatanong ako sa mga tao rito.’’

“Salamat po Lolo.”

(Itutuloy)

Show comments