HAPPY birthday Maj. Gen. Leo ‘Paco’ Francisco, the incoming director ng PNP Civil Security Group (CSG). Mabuhay ka Sir!
Seryoso talaga si PNP chief Gen. Rommel Francisco Marbil na linisin ang hanay nila ng tiwaling pulis. Iniutos kasi ni Marbil ang masusing imbestigasyon sa hokus pokus na raid sa POGO na makikita sa 9th Floor, Centrium Tower l, L. San Pedro corner J. Maceda Sts., Baclaran, Parañaque City nitong Agosto 22. Ayaw kasi ni Marbil na masundan pa ang kaso ni ex-SPD director Brig. Gen. Ricky Mariano kung saan nalapnos ang mga tauhan n’ya bunga sa kontrobersiyal na raid sa POGO sa Parañaque din.
May sumpa ‘ata itong mga POGO sa Parañaque at hanggang sa ngayon nasa floating status pa si Mariano. Kaya kung maraming bataan ni Mariano ang natigbak dahil sa kontrobersiyal na raid, nais ni Marbil parusahan din ang NCRPO raiders kapag napatunayang nagkasala sila. Hehehe! Kelangan pa bang i-memorize ‘yan?
Ang inutusan ni Marbil na alamin ang hiwaga ng Centrium Tower raid ay si CIDG director Brig. Gen. Nicolas Torre lll. Sana ‘wag magkakulay ito. Batid n’yo naman mga kosa na si NCRPO chief Maj. Gen. Jose Melencio “Tateng” Nartatez ang gino-groom na maging PNP chief pagkatapos ni Marbil. Subalit matapos mapakustodiya ng gobyerno si Kingdom of Jesus Christ Pastor Apollo Quiboloy, humahabol si Torre kay Nartatez.
Kaya ko nasabing ‘wag samahan ng anumang masamang pag-iisip itong imbestigasyon ni Torre sa kaso ng NCRPO raid sa POGO para maiwasan ang akusasyon na may sulutan dito. Alam naman ng mga kosang Lakan’s na kahit anong utos ni Marbil ay susundin ni Torre. Eh di wow! Kung sabagay, sina Marbil at Nartatez ay nagkasama sa kuwadra ni ex-PNP chief Oca Albayalde. Si Marbil ang Fiscal samantalang si Nartatez ang SEA. Hayan, nais lang alamin ni Marbil ang katotohanan sa POGO raid, at walang personalan dito! Hehehe! Ambot sa kanding nga may bangs!
Dito kasi sa raid sa bagong POGO, ang Big Boss ay pinakawalan matapos magbayad ng P20 milyon at ang No. 2 man naman ay P3 milyon. Mahigit 50 Chinese nationals ang dinala sa Camp Bagong Diwa sa Taguig kung saan isa-isa silang pinalaya kapalit ang P1 milyon. Araguyyyyy! Hindi lang ‘yan, hindi lang pitong milyones na Toyota Alphard ang nawala, kundi maging ang dalawang Lexus. Wow sarappp!
Kaya lang may semplang ang mga raider kapag natukoy ni Torre ang puno’t dulo ng kaso, di ba mga kosa? Madali lang namang imbestigahan ‘yan dahil kausapin lang ni Torre ang may-ari ng POGO at presto…..sa korte ang landing ng kaso. Ano pa nga ba? Saka dapat kasuhan din ng mga may-ari ng nawawalang hi-end na sasakyan ang raiders para mailabas ang mga ito. Hehehe! Kanya-kanyang gimik lang ‘yan!
Isama na ring silipin ni Torre ang naunang raid naman sa POGO sa Makati City kung saan ang mga raiders ay ni-relieve lahat ni Nartatez. Nakaligtas ang P150 milyon na nasa vault ng POGO dahil nailipat ito bago ang raid kaya kapiranggot na lang ang nakulimbat ng raiders. Subalit may nawawalang diamond na nagkakahalaga ng P4 milyon na dapat hanapin ni Nartatez. Sanamagan! ‘Wag kayong kukurap mga kosa at tiyak maganda ang magiging ending ng kasong ito. Ganun na nga! Abangan!