Malapit na ang filing ng candidacy ng mga kandidato at palapit na rin nang palapit ang holiday season. Sa mga ganitong panahon, nagiging aktibo ang mga masasamang loob. Malakas ang loob dahil may mga baril.
Maraming pulitiko ang may private army at ngayong palapit nang palapit ang midterm election, hindi maisasantabi ang paglalaban ng mga partido. Miski ang pagkakabit lamang ng campaign materials ay pinagsisimulan ng gulo. Maski sa maliit na bagay ay nagbabarilan na.
Ngayong “ber months”, aktibo ang mga masasamang loob. Maski ang mga maliliit na karinderya ay hindi pinatatawad at hinoholdap. Kasamang hinoholdap ang mga customer at tinatangay ang kanilang cell phones, alahas at pera.
Maski ang mga gasolinahan at convenient stores ay hinoholdap din. Hindi pinatatawad at nililimas ang kaha. Kapag tumanggi ang mga crew, binabaril ng mga holdaper at saka tatakas.
Ang pagkakaroon ng police visibility ay mahalaga. Kung may pulis na nagpapatrulya, magdadalawang isip ang mga criminal na gumawa ng masama.
Paigtingin ng PNP ang pagpapatrulya. Huwag abandonahin ang lansangan para may sasaklolo sa mamamayan.
Laging sinasabi ng PNP na 24/7 ang ginagawa nilang pagpapatrulya subalit bakit may nakatatakas na mga salarin makaraang mangholdap. Matagal din bago makaresponde.
Sana tuparin ng mga alagad ng batas na puprotektahan ang mamamayan sa lahat ng oras.