Umuulan kaya dali-daling umakyat si Gary paghinto ng pinarang bus sa kanyang harapan. Masuwerte naman at may isang bakanteng upuan siyang naabutan. Patuloy pa ring nagsasakay ang bus kahit na punumpuno ito at halos magpalitan na ng mukha ang bawat isa.
Lumipas ang ilang sandali napansin ni Gary ang babaing bagong sakay, sa tantiya niya ay mga singkuwenta anyos ito. Naiipit ito ng mga lalaking nakatayo. Napaawa siya at sa isang iglap ay tumayo ito at inalok ang kanyang upuan.
“Mam, ikaw na po ang maupo.”
Agad kumilos ang babae at sa isang sandali ay nakaupo na ito. Lumipas ang ilang sandali pero wala man lang “salamat” na namutawi sa bibig ng babaing pinaupo. Mukhang maangas ang babae.
Napabulong ang lalaking nakatayo na katabi ni Gary. “Ano ba ‘yan di man lang nagpasalamat!” Ngumiti lang si Gary sa lalaki.
Maya-maya napatingin kay Gary ang babae na pinaupo niya. Seryoso ang mukha nito. Tila sinusukat nito ang pagkatao ni Gary.
“Ilang taon ka na?” tanong ng babae.
“Twenty eight po.”
“Ang anak ko ay 24 lang pero nakabili na siya kotse dahil ang hirap talagang mag-commute ngayon.”
“Oo nga po. Kaya nagsikap akong bumili ng sasakyan para gamitin ng aking ina. Gusto kong paglabas niya galing sa trabaho, hindi niya maranasang makipagsiksikan lalo na ngayong tag-ulan.”
Inilayo ng babae ang mata kay Gary at tumingin sa bintana. Nakaismid.