Lengguwahe sa kalawakan

TINATAYANG 7,164 ang mga lengguwaheng ginagamit ng mga tao sa mundo. Kabilang sa nangingibabaw na  lengguwahe batay sa dami ng mga nagsasalita ang English, Mandarin, Hindi, Spanish, Arabic, Bengali, Portuguese, Russian, French, at Urdu.

Sa kabila nito, 275 lang ang mga lengguwaheng nilalaman ng memory disk na magiging lulan ng isang spacecraft na  inaasahang ipadadala nitong huling bahagi ng 2024 sa buwan ng Japanese company ISpace Inc. sa pakikipag-ugnayan ng United Nations Educational, Scientific and Cultural Organization (UNESCO) at isa pang private U.S. company.

Nabatid na nasa loob ng naturang memory disk na nilikha ng UNESCO ang preamble ng konstitusyon ng UNESCO na isinalin sa 275 lengguwahe. Layunin dito ng UNESCO na maipreserba ang mga lengguwahe ng sangkatauhan sakaling magkaroon ng matinding krisis sa daigdig tulad ng epekto ng climate change sa hinaharap.

Hindi malinaw kung bakit 275 lang mula sa mahigit 7,000 lengguwahe ang gustong mapreserba ng UNESCO at kung anu-ano ang mga lengguwaheng kasama. Sana nga meron ding wikang Filipino rito. 

Gayunman, nakapagpapaisip dito ang usapin ng lengguwahe dahil sa umuunlad na mga programa, pananaliksik, misyon, pag-aaral, teknolohiya, siyensiya, astronomiya, at ibang mga usapin na may kinalaman sa kalawakan.

Marami nang bansa at space agencies (pribado at publiko) ang nasubukan nang makapagpadala ng  mga spacecraft sa kalawakan tulad sa buwan at Mars at napipinto na ang pagtatayo ng permanenteng kolonya ng tao sa buwan.

Hindi malaman kung hindi ba magiging problema ang wikang gagamitin ng mga taong ­maninirahan sa buwan at maging sa ibang planeta tulad ng Mars. Napag-uusapan na nga ang dapat itakdang sariling orasan sa buwan pero tila hindi nauungkat ang usapin ng lengguwahe.

Sabagay, marami nang astronaut mula sa magkakaibang mga lahi ang magkakasundong nagkakasama sa mga space mission tulad sa International Space Station kahit meron silang kanya-kanyang katutubong wika katulad ng mga Ruso, Kano, Kastila, Arabo, Hapones, Indian, Italyano, Latino, Kastila, Canadian at iba pa pero sinasabing ang mga astronaut na ipinadadala sa ISS ay kailangang marunong ng Ingles at Russian kaya maaaring ito ang ginagamit nilang lengguwahe sa kanilang mga pag-uusap.

Kakatwa lang ang sitwasyon na meron na ngayong hiwalay at sariling  mga space mission ang Russia at China tulad ng sa buwan at sa orbit ng daigdig at sa Mars kaya asahan nang hindi Ingles lang ang mangingibabaw na lengguwahe sa kalawakan.

Sakaling makapagpatayo na ng kanya-kanyang kolonya ng tao sa buwan ang mga Kano at mga kaalyado niya at ang mga Ruso at Intsik, paano kaya sila mag-uusap? Anong lengguwahe ang mangingibabaw kung merong dapat mangibabaw? Hindi kasi maiiwasang magkrus ang kanilang mga landas sa labas ng daigdig, sa buwan man o Mars o ibang planeta sa hinaharap.

At kung sakaling tuluyan nang magkaroon ng komunidad ng mga tao sa buwan, kaabang-abang din kung anong lengguwahe ang pangunahin nilang gagamitin kahit pa merong sariling wika ang pinagmulan nilang lahi sa daigdig!

-oooo-

Email: rmb2012x@gmail.com

Show comments